top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

''No garage, no new car'', oks para bawas-abala sa kalsada

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 4, 2019
2 min read

PARA sa mga nagpaplanong bumili ng bagong sasakyan, dapat magkaroon muna kayo ng lote o sariling paradahan.

Samantala, kung may mga sasakyan kayong nakaparada lang sa kalsada, siguraduhing maghahanap na kayo ng bakanteng lugar kung saan ninyo ito ilalagay dahil bawal na ang mga sasakyang pakalat-kalat sa kalye.

Kaugnay ito ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagbawi ng mga public roads mula sa mga sasakyang naka-illegal park.

Kamakailan, sinuspinde ni San Juan Mayor Francis Zamora ang “pay parking” sa maraming kilalang kalsada tulad ng Annapolis, Missouri, Club Filipino Drive, Eisenhower at iba pa.

Matatandaang, ang Lungsod ng Maynila ang unang naghigpit sa parking kaya inaasahang susunod na rin ang pinakamalaking lungsod sa Metro Manila, ang Quezon City.

Sang-ayon din si DILG Sec. Eduardo Año sa panukalang “No Garage, No New Car”. Ang nais umano ni Sec. Año, maipasa sa Kongreso ang panukala kung saan kailangan munang mapatunayang ng sinumang mamimili na may mapaglalagyan siya ng bagong sasakyang bibilhin at hindi ito ibabalandra sa kalsada.

Kung iisipin, mas madaling makabili ng sasakyan kaysa sa lote. Marahil, ito ang dahilan kaya napakaraming sasakyan ngayon ang kung saan-saan lang nagpaparada na nagdudulot ng malaking abala sa ibang motorista, ang ganitong gawain ang dapat matigil matuldukan!

◘◘◘

“Hayaan ang mamamayan na mamili at magdesisyon.”

Ito ang pinupunto at panawagan ni dating Health Sec. Janette Garin sa gobyerno na bawiin ang pagbabawal sa pagbebenta ng Dengvaxia, ang kontrobersiyal na bakuna kontra dengue.

Matatandaang, ipinahinto ang progra­mang ito na sinimulan noong administrasyon ni ex-P-Noy dahil sa huling anunsiyo ng Sanofi Pasteur na ang mga mababakunahan ng Dengvaxia na hindi pa nagkaka-dengue ay posibleng magkaroon ng mas malalang dengue.

Napulitika nang husto ang Dengvaxia na sanhi umano ng pagkamatay ng ilang nabakunahan nito, partikular ang mga inosenteng estudyante. Sa ngayon, hindi pa mapatutunayan na ang pagpapabakuna nito ay posibleng maging sanhi ng kamatayan.

Hindi raw mauulit ang nakaraang pagkakamali kung sakaling ibalik ng gobyerno ang Dengvaxia. Marami na ang nagkakasakit, may ilandaan na rin ang namatay.

Panahon na para isantabi muna ang emosyon at politika sa isyung ito.

Maraming bansa, partikular ang mga bansa sa Amerika ang tumanggap sa Dengvaxia. Aprubado na rin ito ng World Health Organization (WHO), huwag lang kalimutang sumunod sa mga instructions na inilatag ng Sanofi Pasteur.

Sa totoo lang, may punto si ex-DOH Sec. Garin, bakit nga ba hindi na lang hayaan ng gobyerno ang mamamayan na magdesisyon kung gusto nilang magpabakuna ng Dengvaxia?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page