Dual citizens, may ‘K’ pa ring bumoto kahit sa ibang bansa na nakatira

ANG pagpili ng mga pulitiko na magiging kinatawan ng mamamayan sa Kongreso at lokal na pamayanan ay nakasalalay sa ating mga kamay at tamang desisyon. Kaya marapat nating gampanan ang ating mga tungkulin at karapatang bumoto nang maayos at ayon sa kung ano ang dapat at tama. Sa pagpili ng mga maglilingkod ay ating isipin na ang piliin natin ay ang mga totoong maglilingkod at mangangalaga sa ating mga kapakanan. Sa nakalipas na halalan sana ay paglingkuran tayo ng mga naihalal na maglingkod nang buong katapatan.
Ang karapatang maghalal ay nakasaad sa Saligang-Batas, partikular sa Artikulo V kung saan mababasa ang:
“SEK. 1. Ang karapatan sa halal ay maaaring gampanan ng lahat ng mamamayan ng Pilipinas na hindi inalisan ng karapatan ng batas, na labingwalong taong gulang man at nakapanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon man lamang at anim na buwan man lamang sa lugar na kanilang bobotohan kagyat bago maghalalan. Walang dapat ipataw na literasi, ari-arian o iba pang substantibong kinakailangan sa pagganap ng karapatan sa halal.
“SEK. 2. Dapat magtakda ang Kongreso ng sistema para masiguro ang pagiging sikreto at sagrado ng balota at gayon din ng sistema para sa pagbotong liban ng mga kuwalipikadong Pilipino na nasa ibang bansa.
Para sa mga taong may kapansanan at ilitireyt, ang Kongreso ay dapat bumalangkas ng pamamaraan na hindi kakailanganin ang tulong ng ibang tao. Hanggang sa sumapit ang panahong iyon, sila ay pahihintulutang bumoto sa ilalim ng umiiral na mga batas at ng mga tuntuning maaaring ihayag ng Komisyon sa Halalan upang maprotektahan ang pagiging sikreto ng balota.”
Nakasaad sa mga nabanggit na probisyon, maliban sa mga inalisan ng karapatan ng batas, ang mamamayan na may edad 18 pataas ay mayroong karapatang maghalal ng gusto nilang kandidato upang magsilbi sa kanila at sa bayan. Para makalahok sa halalan ng lugar, dapat rehistrado ang nasabing botante sa lugar na kanyang pagbobotohan. Siya ay dapat nanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon bago ang halalan at anim na buwan naman sa lugar kung saan siya boboto. Maliban sa mga nabanggit, walang ibang kuwalipikasyon na kinakailangan para makalahok ang mamamayan sa halalan.
Para sa mga Pilipino na naging mamamayan (citizens) ng ibang bansa subalit, nanumpa ulit ng kanilang katapatan (allegiance) sa Republika ng Pilipinas ay maaari ring bumoto sa ilalim ng Section 5 ng Republic Act (R.A.) No. 9225 (Citizenship Retention and Re-acquisition Act of 2003) kung saan nakasaad na:
“Sec. 5. Civil and Political Rights and Liabilities. - Those who retain or re-acquire Philippine citizenship under this Act shall enjoy full civil and political rights and be subject to all attendant liabilities and responsibilities under existing laws of the Philippines and the following conditions:
(1) Those intending to exercise their right of suffrage must meet the requirements under Section 1, Article V of the Constitution, Republic Act No. 9189, otherwise known as “The Overseas Absentee Voting Act of 2003” and other existing laws; xxx”
Kinakailangan lamang na ang nasabing mga Pilipino ay nakapanumpa ng kanilang katapatan sa Republika ng Pilipinas ayon sa probisyon ng Section 3 ng RA No. 9225 kung saan nakasaad na:
“Section 3. Retention of Philippine Citizenship - Any provision of law to the contrary notwithstanding, natural-born citizens by reason of their naturalization as citizens of a foreign country are hereby deemed to have re-acquired Philippine citizenship upon taking the following oath of allegiance to the Republic:
xxx xxx xxx”
Matapos ang kanilang panunumpa ng katapatan sa ilalim ng R.A. No. 9225, ang mamamayan ay tataguriang “dual citizens” at sila ay magkakaroon ng karapatan para makaboto. Ang karapatang ito ay kinilala ng Korte Suprema sa kasong Loida Nicolas-Lewis, etal. versus COMELEC (G.R. NO. 162759, August 4, 2006) kung saan ang “dual citizens” na nagpetisyon na makaboto sa ilalim ng Overseas Absentee Voting Act kahit hindi nanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon bago ang halalan ay pinayagan na makaboto. Sa panulat ni Honorable dating Associate Justice Cancio Garcia, sinabi ng hukuman na:
“WHEREFORE, the instant petition is granted. Accordingly, the Court rules and so holds that those who retain or re acquire Philippine citizenship under Republic Act No. 9225, the Citizenship Retention and Re-Acquisition Act of 2003, may exercise the right to vote under the system of absentee voting in Republic Act No. 9189, the Overseas Absentee Voting Act of 2003.”





Comments