Department of Disaster Resilience, sagot sa iba‘t ibang sakunang humahagupit sa ‘Pinas tulad ng lind
NAPAPANAHON, higit na kailangan at hindi na dapat ipagpaliban — ‘yan ang panukala nating pagtatatag ng Department of Disaster Resilience o DDR na nilalaman ng ating Senate Bill 331.
Matatandaang, nilindol noong Sabado, ika-27 ng Hulyo ang napakagandang lalawigan ng Batanes.
Napuruhan sa trahedya ang bayan ng Itbayat na ikinamatay ng siyam katao at malubhang ikinasugat ng may 60 iba pa.
Habang isinusulat natin ang kolum na ito, umaabot na sa halos 300 milyong piso ang halaga ng pinsala sa naturang lugar.
Sa kanya namang pagbisita sa Batanes noong Linggo, nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na agad magpapalabas ng inisyal na tulong-pinansiyal ang kanyang tanggapan sa halagang P40 milyon upang pansamantalang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga apektado.
Sa departamentong ito, sakaling maisabatas, magkakaroon tayo ng disaster response ships para sa mga maaaring maging sakuna sa karagatan.
Alam nating tayo ay archipelagic at napapaligiran ng tubig.
Ilang trahedya na ang naganap sa mga katubigan natin at kung mayroon lamang tayong natatanging departamento para rito, tiyak na mas maaagapan at marami sana ang maililigtas.
Isa pa, kumpara sa mga eroplano at trak, mas maraming maikakargang relief goods sa barko at madalas, nagagamit din itong floating clinics, rescue command centers o public kitchens.
Isinulong natin ang paglikha sa DDR upang magkaroon tayo ng pangunahing ahensiya na magpapatupad sa mga plano at programa sa disaster risk reduction.
Ito ang departamentong tututok sa mga sakuna at mangunguna sa pagsagot sa mga pangangailangan ng mga biktima.
Kapag tuluyang naging batas, bibigyan ng malawak na kapangyarihan ang DDR tulad ng pansamantalang pag-take over sa private utilities and businesses kung nailalagay ang mga ito sa matinding panganib o kung maaaring maging dahilan sa pagkamatay ng marami at pagkasira ng iba’t ibang negosyo.
May kapangyarihan din ito na magpatupad ng forced evacuations kung hindi ito magagawa ng mga pinuno ng involved na local government units.
Ilang sakuna na ang inabot natin, libu-libong buhay ang kinitil ng mga trahedyang ito na kung may kaukulang ahensiya lamang at tauhan na tututok sa agarang pagtulong, rescue at pag-ayuda, hindi ito aabot sa mas matinding pinsala tulad nang dinaranas natin sa kasalukuyan.





Comments