BLACK, TOPSCORER NG ONLINE, KOGA NG CHARGERS, DINISKARGA


MULING nagtala si Aaron Black ng triple-double performance at sa pagkakataong ito ay naipanalo niya ang AMA Online Education kontra sa baguhang iWalk, 110-92 sa 2019 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nagposte ang anak ng dating PBA great at ngayo’y Meralco coach na si Norman Black ng 26 puntos, 16 rebounds, at 14 assists upang pamunuan ang panalo at maging ikatlong manlalaro na nakapagtala ng multiple triple-doubles sa liga kasunod nina Mike Tolomia (2) at Jeron Teng (3). “Binibigyan ko na talaga siya ng kumpiyansa eh, kasi kilala ko na siya simula bata pa lang dahil naging player ko na siya noong 13-under pa lang,” ani AMA coach Mark Herrera tungkol kay Black. Nakatuwang ni Black ang nagtapos na topscorer na si Dennis Santos na nagposte ng 32 puntos at 10 rebounds para tulungan ang Titans sa pag-angat sa patas na markang 1-1, panalo-talo.
Lamang ng 14-puntos, 81-67 sa bungad ng 4th period, nalagay pa sa alanganin ang Titans matapos humabol ang iWalk at tapyasin ang kalamangan sa apat, 83-87, matapos ang lay-up ni Wowie Escosio may 5:45 pang natitira sa oras. Mula roon, kumamada ang Titans ng 8-0 blast na tinuldukan ng isang triple ni Santos upang itaas ang bentahe sa 12 puntos, 95-83, may 4:54 pang nalalabi sa 4th period. (VA)





Comments