Diokno, epal; sinungaling at gunggong, dapat ipakulong!
- BULGAR

- Aug 2, 2019
- 2 min read
ABA, grabe naman pala ang nangyari. Naghain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa gobyerno noong Abril ang mga makakaliwang abogado na sina Jose Manuel “Chel” Diokno, Andre Palacios at dalawa pang opisyales ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Ang petisyon ay tinatawag na ‘writ of kalikasan’ kung saan kapag nanalo, mag-uutos ang gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang ating mga “batas-pangkalikasan” sa West Philippine Sea (WPS).
Halimbawa, ay ang pagbabawal at pag-aresto sa mga mangingisda mula sa ibang bansa na nangingisda nang walang pahintulot ng ating pamahalaan.
Ayon kay Diokno at mga kasamahan niyang opisyal ng IBP, kinatawan o abogado raw sila ng mga mangingisdang taga-Palawan at Zambales na naaapektuhan at natatalo sa mga mangingisdang galing sa ibang bansa.
Hindi man lang ba nila ito pinag-isipan? Kapag pumayag ang Korte Suprema sa kanilang kahilingan o sinunod ito ni Pangulong Duterte, tiyak na magkakagulo.
Isipin ninyo, kung maraming bansa (China, Taiwan, Vietnam, Malaysia at iba pa) ang nagsasabing sa kanila ito, ano ang gagawin natin para isakatuparan ang mga batas natin doon, giyerahin o makipaggiyera sa kanila?
Paano kung rumesbak sa atin ang mga bansang ito at magkakasamang giyerahin tayo?
Hindi malabong ipaglaban din nila ang karapatan ng kanilang mamamayan na mangisda rito.
Ang ganitong sitwasyon ay tinatawag na territorial dispute. Seryoso itong problema, pero hindi dapat idaan sa dahas kundi sa mahinahong usapan.
Gayunman, mabuti na lang at hindi naituloy ang petisyon. Alam n’yo bang walang kaalam-alam ang mga mangingisda sa petisyon?
Wala raw silang sinabi kay Diokno at ang mga taga-IBP na magsampa ng petisyon sa Korte Suprema.
Ayon sa pahayag ng ilan sa mga mangingisda, totoong nagpatulong o nagpunta sila sa IBP noong Pebrero, pero iba raw ang pakay nila.
Tulong para sa demolisyon sa kanilang isla, ito ang dahilan ng pagtungo ng kanilang grupo sa IBP at hindi tungkol sa anumang problema sa teritoryo ng bansa.
Sa opisina ng IBP, pinapirma raw sila sa blangkong papel o dokumento at hindi raw ipinaliwanag sa kanila kung para saan ito.
Nagpunta rin daw sila sa IBP Ortigas noong Abril kung saan nakausap nila nang personal si Diokno, samantalang, ang ibang mga abogado raw ng IBP ay may mga ipinakitang dokuento sa kanila na hindi man lang nila nabasa.
Nalaman na lang daw nila sa mga pahayagan na kasama sila sa mga mangingisdang nagsampa ng kaso laban sa mga ahensiya ng gobyerno!
Sa huli, pumayag ang mga mangingisda na huwag nang ituloy ang pagsasampa nila ng petisyon.
Kaugnay nito, nagbitaw ng salita si Diokno na sinabihan daw ng mga abogado ng Navy ang mga mangingisda na umatras sa kaso kaya natakot sila.
Subalit, wala siyang maipakitang pruweba na ginawa ito ng Navy.
Hindi lang sinungaling na abogado si Diokno, gunggong pa!
Labag sa batas ang ginawa nila ng kanyang mga kasamahan. Ayon sa Rules of Court No. 138, Section 27: “Ang abogadong nagpapanggap na siya ay abogado ng isang tao sa korte, subalit, hindi naman pala ay maaaring alisin sa puwesto niya bilang abogado.”
Isa pa, labag din sa batas ang magsumite ng mga kaso sa anumang korte na ang nilalaman ay kasinungalingan.
Naniniwala tayong dapat lang kasuhan ang mga pulpol na abogado, tanggalan din sila ng karapatan bilang propesyunal na abogado at ipakulong!





Comments