Wala nang usapan — LTFRB | DAGDAG-PRESYO SA GAS, SABAY TAAS-PASAHE

BALAK ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibatay sa magiging galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ang pagbabago sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2019-035 ng LTFRB, hindi na padaraanin sa pagdinig ng ahensiya ang mga hirit na maitaas o maibaba ang pasahe.
Sa halip, ibabase na lamang ang halaga ng pasahe sa presyo ng diesel at gasolina.
Batay sa iminumungkahing formula, kada anim na buwan ang gagawing pagtataya sa pagbabago ng pasahe at aalamin ang porsiyento ng itinaas na presyo ng petrolyo.
Kung halimbawa na nagtaas ng P5 kada litro ng gasolina sa loob ng anim na buwan, kukunin ang porsiyento nito na ikokonsiderang halaga ng fare hike. Isasaalang-alang din umano ang 35 porsiyentong gastos ng isang public utility vehicle sa produktong petrolyo.
Ang LTFRB ang magpapasya kung paano ang magiging pag-round off ng halaga.
Sakop ng nasabing hakbang ang pasahe sa jeep, bus, taxi at UV Express.
Ayon pa kay LTFRB Chairman Martin Delgra, kung may magiging kakaibang pagtaas o pagbaba sa presyo ng petrolyo, kahit wala pang anim na buwan ay maaari nilang pagpasyahan agad ang pagbabago sa fare matrix.





Comments