top of page
Pokwang.jpg

Para 'di mapag-iwanan ng mga ituturo sa mga estudyante | Free education para sa mga titser, isin

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 1, 2019
2 min read

ANG mahusay na pagtuturo ng guro ay nakadepende sa pinakamabisang paraan para maibahagi ang kaalaman at impormasyon sa kanyang mga mag-aaral.

Ito ay kasanayang kinakailangan ng walang hintong paghahasa, paglinang at pangangalaga sa kanila. At upang madiskubre pa lalo ng mga teacher ang kanilang potensiyal, dapat silang mabigyan ng oportunidad na makita at gamitin ito.

Sa mga nangyayaring pagbabago sa sistema ng edukasyon sa bansa ngayon, mahalagang maging updated ang ating mga teacher sa mga makabago at mabisang pamamaraan ng pagtuturo upang maipasa nila ito sa kanilang mga estudyante.

Dapat tugma at nakikisabay ang pagdiskubre ng kanilang kaalaman at napapanahong pangangailangan ng ating mga kabataan, lipunan at bansa tulad ng Science at Technology. Sa madaling salita, kailangang magtuluy-tuloy ang edukasyon ng ating mga guro.

Sa kasalukuyan, wala pa tayong anumang libreng programa para sa patuloy na pagkatuto ng ating mga guro sa bansa.

Ang nangyayari, kani-kanya na lamang ng diskarte kung nais nilang lumawak, lumalim at maging updated ang kanilang kasanayan at edukasyon para sa mas epektibong paraan ng pagtuturo para sa mga estudyante.

Kaya naman, bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, isa sa ating mga ipinaglalabang panukala ay ang Senate Bill No. 367 o The Continuing Education for Teachers Act.

Dito, itataguyod ang mandatory continuing education para sa mga elementary at high school teacher ng pribado at pampublikong paaralan na makatutulong sa pagpapabuti at pagpapayaman ng kanilang kasanayan sa pagtuturo.

Sakop ng nasabing panukala ang hindi bababa sa 24-oras kada taon o walong oras kada linggo na pagdalo ng mga guro sa mga mandatory continuing education activities kung saan saklaw nito ang mga paksang professional education, general education at teaching methods sa kanilang specialization.

Kapag naisabatas na ito, pangungunahan ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng Executive Committee na magiging responsable sa implementasyon ng nasabing programa. P100 milyon ang ilalaang budget para sa paunang implementasyon nitong magmumula sa pondo ng DepEd kada taon.

Sa kabila ng mga pagsubok na kanilang kinahaharap, umaasa tayong unti-unti silang napakikinggan at nagagawan ng paraan ng gobyerno na matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa pagpapabuti ng kanilang propesyon.

Hindi lamang ito makatutulong sa kanilang kapakanan kundi may epekto rin ito sa edukasyon at kinabukasan ng mga mag-aaral.

Ang patuloy na pag-aaral ay mahalaga sa kabuuang pag-unlad ng bawat isa. Inaasahan nating mailalahad ng programa ang karapat-dapat na pananaw, misyon, hangarin, layunin at paraan tungo sa wasto at maayos na kaalaman ng ating mga guro na pakikinabangan naman ng kanilang mga mag-aaral.

Naniniwala tayong ang susi sa magandang pundasyon sa edukasyon ng bata ay marunong, matalino, responsable at higit sa lahat, guro na may dedikasyon sa kanilang propesyon.

Umaasa tayong ngayong taon, mapalalakas ang tuluy-tuloy na pagkatuto ng ating mga guro sa pamamagitan ng pagsasabatas ng The Continuing Education for Teachers Act.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page