Nakalmot ng aso o pusa, ligtas sa rabies, tagilid sa tetano
- BULGAR
- Aug 1, 2019
- 1 min read
Dear Doc. Shane, Madalas mag-uwi ng hayop, partikular ng aso at pusa ang kapatid ko dahil mahilig siya rito. Gusto kong malaman, sadya bang kapag nakagat ng aso o pusa ang isang tao ay maaari nang magka-rabies? Kung nakalmot lang ng aso, puwede rin bang magka-rabies?—Nads
Sagot Ang rabies ay nakamamatay na sakit na dulot ng impeksiyon ng rabies virus. Ang rabies virus ay nakukuha mula sa laway ng hayop na kadalasang naipapasa sa pamamagitan ng kagat.
Pangunahing naaapektuhan nito ang utak at iba pang bahagi ng central nervous system.
Paano nakukuha ang rabies?
Ang pangunahing dahilan sa pagkakaroon ng impeksiyon ng rabies virus ay ang kagat ng aso. Ito ay maaaring maipasa mula sa laway papunta sa sugat na nakuha mula sa kagat. Sa paghahalo ng laway sa dugo ng tao, nagsisimula ang impeksiyon na kalaunan ay makaaapekto sa utak ng tao ngunit bukod sa aso, maaari ring makuha ang virus sa iba pang hayop na kabilang sa grupong mamalia, kabilang ang pusa, daga at mga alagang hayop sa bukirin tulad ng baboy, kabayo at baka.
Maaari bang makuha ang rabies sa kalmot ng hayop?
Ang rabies virus ay maaari lamang makadulot ng impeksiyon kung mahahalo ang laway sa sugat. Ito ay kadalasang nangyayari lamang sa pagkakakagat ng hayop. Ang kalmot ay hindi itinuturing na dahilan ng pagkakaroon ng impeksiyon ng virus bagaman, mayroon pa ring maliit na posibilidad na magdulot ito ng impeksiyon. Impeksiyong tetano ang mas maaaring makuha mula sa kalmot ng pusa.
Komentarai