MALI KAYONG LAHAT, MAY PATUTUNAYAN SI FOLAYANG!

LIMANG Pinoy warriors ang susubuking angkinin ang karangalan para sa bansa sa mga laban nila bukas ng gabi sa One Championship: Dawn of Heroes sa Mall of Asia Arena.
Ang mga miyembro ng Team Lakay na sina dating One Lightweight champion Eduard Folayang, Danny Kingad, Geje Eustaquio, Honorio Banario at Edward Kelly ay makikipagsagupa sa kani-kanilang mga laban upang iangat ang bandila ng bansa. Kaabang-abang din ang salpukan para sa titulo nina ONE Featherweight World Champion Martin Nguyen (12-3) na idedepensa ang korona sa isa pang knockout artist na si Japanese Koyomi Matsushima (11-3) sa main event. Pipiliting makabangon ni dating wushu artist Folayang (21-7) at may patutunayan pa siya mula sa isang masaklap na pagkatalo laban kay dating UFC at Bellator champion Eddie Alvarez (29-7) sa co-main event ng kanilang Lightweight fight. Nabitiwan ni Folayang ang titulo laban kay Shinya Aoki sa One Championship “A New Era” matapos ang isang malupit na arm triangle choke submission sa 2:34 ng unang round pa lang sa Ryogoku Kokugikan, Tokyo Japan noong Marso 31, 2019.
Hawak ang 5-game winning streak, sasagupain ni Philippine phenom Kingad (10-1) ang delikadong si Reece McLaren (12-6) para sa World Flyweight Grand Prix match. Si Kairat Akhmetov ng Kazakhstan dapat ang makakasagupa ni Kingad ngunit, nagkaroon siya ng injury.
Bago rito ay tinalo ni Akhmetov si McLaren via unanimous decision noong Marso 31 sa “A New Era”, kung saan tinalo rin ni Kingad si Senzo Ikeda ng Japan sa bisa ng UD.
Uupak din sa flyweight bout si Eustaquio (12-7) kalaban si Yuya Wakamatsu (10-4). Galing si Eustaquio sa UD win laban kay Kim Kyu Sung ng SoKor noong Mayo 17 sa One Championship “Enter the Dragon” fight, habang pipiliting bumangon ng Japanese fighter na makabawi sa dalawang sunod na talo kina Kingad at Demetrious “Mighty Mouse” Johnson.
Ang magwawagi kina Kingad at McLaren ay haharapin ang mananaig sa bakbakan nina dating UFC champion Johnson (28-3-1) at Tatsumitsu Wada (21-10-2) sa finals ng grand prix sa One: Century sa Oktubre 13, 2019.





Comments