Wakasan ang bilyones na nakukurakot ng mga kapalmuks na opisyal | Talamak na korupsiyon sa PCSO, tal
- BULGAR

- Jul 31, 2019
- 2 min read
NAGALIT at ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil muna ang operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos nitong malaman ang report ng Commission on Audit (COA). Naglahad ng impormasyon ang COA na nagpapatunay na grabe ang korupsiyon sa ahensiyang ito.
Ayon sa report ng COA, pinakamatindi ang korupsiyon sa Small-Town Lottery (STL) na malamang ay pamilyar kayo. Popular ito sa masa, dahil piso lang ay puwede ka nang manalo ng P400.
Awtorisado raw ng PCSO ang mga dating nagpapatakbo ng jueteng o kung anumang bagong kumpanya na magpatakbo sa STL.
Subalit, maraming kinakailangang gawin ang mga STL operator tulad ng pagkakaroon ng sapat na kapital (P15 milyon daw ang pinakamaliit) at pagkakaroon ng minimum na pagbenta ng mga “papelitos” na pantaya. Sa bawat lugar ay may iba’t ibang minimum o quota na dapat ibenta.
Ginawang regulasyon ng PCSO ito dahil kung wala itong quota, madaling maitatago ng operator ang mga naibenta nito. Kung mangyari ito ay liliit ang kita ng PCSO sa STL at walang saysay ang pagsasalegal nila ng jueteng.
Mababawasan ang pondo nito para sa charity fund na pantulong sa mga mahihirap nating kababayan at iba pa.
Gayunman, nalaman ng COA na maraming operators ang hindi nagbebenta ng tamang minimum.
Ayon sa adverse opinion ni Commission on Audit Director Cleotilde M. Tuason, mahigit P14.9 bilyon ang kulang sa koleksiyon o tinatawag na presumptive monthly retail receipts ng Philippine Charity Sweepstakes Office noong 2017 at 2018 mula sa 57 authorized small town lottery agents (ASA) at 45 authorized agent corporations (AACs).
Inilabas noong June 28, 2019 ang adverse opinion ng COA, isang buwan bago ipinatigil ni Pangulong Duterte ang lotto at iba pang mga sugal na pinatatakbo ng PCSO dahil sa matinding korupsiyon.
Hindi malinaw ang dahilan sa kabila ng pag-a-absolve ng PCSO Board sa mga bayarin ng ASA at AACs.
Ang masaklap, ang ginawa ng pamunuan ng PCSO ay nagdesisyong palampasin na lang o huwag nang kolektahin ang utang ng mga operator.
Ayon sa batas, pangulo lang ang may kapangyarihang gawin ito. Malamang, hindi naniwala si Pangulong Duterte na ginawa lang ito ng pamunuan ng PCSO dahil naawa sila sa mga operator at nagmamagandang-loob lang sila.
Kung iisipin, malaking halaga ang kinurakot ng mga korup sa PCSO kaya sa buwisit ni Pangulong Duterte, ipinasara niya ang lahat ng PCSO games kabilang ang lotto habang iniimbestigahan pa kung sinu-sino sa ahensiya ang mga nangungurakot at kailangang tanggalin. Kung hindi malinis ng pangulo ang PCSO, malamang ay hindi rin niya magagawang malinis ang buong gobyerno. Bakit?
Dahil ang PCSO ay direktang nasa opisina at pangangasiwa ng Office of the President.





Comments