HIV positive, bawal tanggihan ng insurance company
- BULGAR

- Jul 31, 2019
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Nag-apply ako ng personal life insurance, pero tinanggihan ako dahil sinabi kong HIV positive ako. Sa totoo lang, na-offend ako kaya gusto kong malaman kung tama bang mangyari ito? — Kiko
Dear Kiko, Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay binigyang-linaw ng Republic Act (R.A) No. 11166 o kinikilala bilang “Philippine Aids Prevention and Control Act of 1998.” Ayon sa Section 42 ng batas na ito:
“Section 42. Health Insurance and Similar Health Services. – The PhilHealth shall: xxx xxx xxx The PhilHealth shall enforce confidentially in the provision of these packages to PLHIV. No PLHIV shall be denied or deprived of private health insurance under a Health Maintenance Organization (HMO) and private life insurance coverage under a life insurance company on the basis of the person’s HIV status. Furthermore, no person shall be denied of his insurance claims if he dies of HIV or AIDS under a valid and subsisting life insurance policy.” (Binigyang-diin)
Alinsunod sa nabanggit na probisyon ng batas, walang tao na nasuri at nahawahan ng human immunodeficiency virus (HIV) ang maaaring tanggihan o pagkaitan ng private life insurance coverage ng life insurance company sa kadahilanan ng nasabing kalagayan. Kaugnay nito, ang paglabag sa nabanggit na probisyon ng batas ay may karampatang kasong kriminal at administratibo na maaaring magresulta sa pagbabayad ng multa na hindi bababa sa Php 50,000 at/o pagkakakulong mula anim na buwan hanggang limang taon ayon sa Section 50 ng R.A. No. 11166.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.





Comments