DOH Sec. Duque, sumingaw na ang baho, may reward pa kay P-Digong

IMBES NA SIBAKIN SA MGA KATIWALIAN SI SEC. DUQUE, BINIGYAN PA NG ‘REWARD’ NI P-DUTERTE—Ang tindi ng mga “pasabog” ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson tungkol sa mga anomalyang kinasasangkutan ni Department of Health Sec. Francisco Duque III.
Ang ilan sa mga “pasabog” ni Sen. Lacson ay ang opisina ng ahensiya sa Pangasinan kung saan sa building daw ng pamilya ni Sec. Duque umuupa at may kontrata rin daw sila bilang supplier ng gamot ng ahensiya.
Ito na ang siste, imbes na sibakin at kasuhan ni P-Duterte si Sec. Duque, aba, binigyan pa ng reward nang i-appoint ng pangulo ang utol nitong si Gonzalo Duque bilang administrator ng Philippine Coconut Authority (PCA), boom!
◘◘◘
SEN. TOLENTINO, TODO-EPAL SA ISYUNG WALA SIYANG ALAM—Sinabi ni Sen. Francis Tolentino na legal ang verbal agreement nina P-Duterte at Chinese Pres. Xi Jinping tungkol sa pagpayag ng Duterte gov’t. na mangisda sa dagat ng Pilipinas ang mga Chinese. Pero nang tanungin siya ni Sen. Franklin Drilon kung may alam siya sa nilalaman ng kasunduan, ang sagot ni Tolentino, wala raw!
‘Yan ang bagong senador ng Pilipinas, todo-epal sa isyung wala naman siyang alam, buwisit!
◘◘◘
PAGPAPASARA SA PCSO GAMING SCHEMES, SA MARALITA NAG-BOOMERANG—Mali ang biglaang desisyon ni P-Duterte na ipasara ang lahat ng palaro o pasugalan ng PCSO dahil sa isyu raw ng korupsiyon sa ahensiyang ito.
Mantakin ninyo, mga appointee ni P-Duterte sa PCSO ang sangkot sa katiwalian na dapat sana ay ang mga “buwayang” tauhan niya ang pinarusahan niya, pero ang nagdusa sa desisyon ng pangulo ay ang mahihirap na mamamayang nangangarap na maging bilyunaryo, hu-hu-hu!
◘◘◘
LIBU-LIBONG EMPLEYADO NG PCSO GAMING OUTLETS, JOBLESS NA! — Ipinagmalaki ng PNP na mahigit 30,000 PCSO gaming outlets na ang kanilang naipasara sa buong bansa.
Kumbaga, parang ipinagmalaki na rin ng PNP na libu-libong empleyado ang pinatanggalan ng hanapbuhay ni P-Duterte, saklap!





Comments