Anomalya sa GOCC, nabuking | APPOINTEE NI P-DU30, KINASUHAN

PINABULAANAN ni OIC-President CEO Aquilino Trinidad ng Coconut Industry Investment Fund-Oil Mills Group (CIIF-OMG) ang mga akusasyon laban sa kanya, matapos umanong madiskubre ang mga anomalya sa kumpanya.
Sa pagharap ni Trinidad sa mga mamamahayag, sinabi nitong siya ang lehitimong presidente ng CIIF, dahil in-appoint siya ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 1,2018.
Aniya, inatasan siya ng pangulo na linisin ang kumpanya sa anumang uri ng katiwalian sa kopra kabilang na ang umano’y ghost employees at consultants.
Pinapasok umano niya ang Commission on Audit (COA) upang magsagawa ng pag-audit sa payroll subalit, ayaw umanong ibigay ang mga kinakailangang dokumento ng mga inirereklamong opisyal na sina Edgar Perez, Chairman, Board of Directors at Atty. Jovencio Evangelista, Corporate Secretary ng kumpanya.
Unang inireklamo nina Perez at Evangelista si Trinidad sa Ombudsman dahil sa umano’y sapilitang paghingi ng sahod ng isang pangulo/chief operation officer ng Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) sa kabila umano na OIC lamang ang kanyang designation.
Nais ipabalik nina Perez at Evangelista ang umano’y P3 milyong halaga na sinasabing iligal ang nakuhang suweldo ni Trinidad at maideklara rin siyang walang kapangyarihan na magtalaga at magtanggal ng mga empleyado at corporate officer.
Hanggang sa nagsampa ng kasong usurpation of official function at administrative ang grupo nina Perez at Evangelista sa Ombudsman laban kay Trinidad.
Humingi naman ng sampung araw si Trinidad para masagot ang mga isinampang kaso laban sa kanya.





Comments