top of page
Pokwang.jpg

SWAK SA MAIN DRAW, SASO, LALARGA SA U.S. AMATEUR GOLF

Eddie M. Paez Jr.
Jul 30, 2019
1 min read

UUSAD na ang malupit na 2019 U.S. Amateur Golf Championship sa par 72 at 6,547 yardang palaruan ng Old Waverly Golf Club, West Point, Mississippi ngayong Agosto 5 hanggang 11 at isa si Yuka Saso ng Pilipinas sa mga nakakuha ng pribilehiyong huwag nang dumaan sa qualifying tournaments.

Dahil sa makislap na paglalakbay na nagtulak sa kanya sa unang 25 amateur lady golfers sa buong mundo, swak na agad sa main draw ng kompetisyon ang Asian Games double gold medalist na Fil-Japanese. Kasama sa impresibong pagpalo ng 18-anyos na pambato ng Pilipinas ay ang pagiging tersera sa 71st U.S. Girls Championship sa Wisconsin; 2019 U.S. Junior PGA Championship sa Connecticut; at ang pagiging pangatlo sa inaugural na Women’s Augusta National Championship.

Ang torneo ay tatampukan ng dalawang araw na stroke play. Papasok sa match play rounds ang unang 64 parbusters na may pinakamababang iskor. Tatanghaling kampeon ang parbuster na matitirang walang talo sa knockout rounds.

Kasama sa mga interesado sa korona sina Lucy Li (2018 U.S. Women’s Amateur quarterfinalist at Top 25 din sa world ranking gaya ni Saso), Cory Lopez (Mexican Women’s Amateur champion); Brianna Navarrosa (2019 Canadian Women’s Amateur titlist), Albane Valenzuela (runner-up sa 2017 U.S. Women’s Amateur at si Thai gem Pimnipa Panthong (top 25 sa world amateur ranking).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page