Motoristang walang suot na helmet, target sa tongpats!

“NO to kotong”.
Ito ang nakaimprenta sa suot na vest o uniform ng mga bagong (kuno) miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) mula nang pumasok ang bagong administrasyon.
Nakatanggap ng reklamo ang inyong lingkod na pinag-iinitan daw ngayon ng ilang traffic enforcers ang mga nakamotorsiklong walang suot na helmet (bawal talaga ang walang helmet), kaya naman ito ang pinagpipiyestahan nila kung saan ilang MTPB members ang maiinit ang mga mata o eagle-eyed sila sa mga motorista, partikular sa mga nakamotor at angkas nila.
Kapag natiyempuhan ka ng mga hinayupak na ito, bukod sa helmet ay kung anu-ano pang violations ang ikakaso sa kaawa-awang biktima kung saan P300 hanggang P500 ang tongpats na hinihingi ng mga demonyong ito.
Bukod sa helmet, para hindi sila mabuking na ginagatasan lang ang biktima ay hahanapan pa ng mga kung anu-anong papeles ang kanilang mahuhuli kahit ang violation lang ay ang hindi pagsusuot ng helmet. Kaya naman, tinawag silang “Helmet Boys” ng mga nag-iiyakang biktima, partikular ng mga nakamotorsiklo.
Ang masaklap, kapag hindi nakapagbigay ng “padulas” ang biktima ay tinatakot ito na titiketan na lang kaya ang panakot ay lalong maaabala at mapeperhuwisyo ang kaawa-awang biktima.
‘Yan ngayon ang modus-operandi na nararanasan ng mga biktimang nakamotorsiklong hindi nagsusuot ng helmet.
Kamakailan lamang, isang miyembro ng MTPB ang naaktuhang kinokotongan ang biktima sa Maynila, samantalang, dalawang traffic enforcers din ang nasakote sa entrapment operation sa Pasig City, sa parehong modus o raket, pwe!
Kayong mga ka-BULGAR, kung nakamotorsiklo kayong daraan o magagawi sa Maynila o iba pang lugar, huwag ninyong kalimutang magsuot ng helmet dahil nakaabang ang mga buwitre na handa kayong lapain at perhuwisyuhin.
Paging, Mayor Isko, may mga nagsasamantalang sirain ang inyong paglilinis sa Maynila para sa sariling interes. Kailangang matigil ang ganitong gatasan sa mga nakamotorsiklo!
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Kung may scalawag sa hanay ng kapulisan, mayroon din sa mga traffic enforcer.
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Mas ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments