top of page
WINNER - DEREK, ENDORSER NG ONLINE GAMBLING-IG _ramseyderek07.jpg

Mga korup sa PCSO, kasuhan!

  • Isko Moreno
  • Jul 30, 2019
  • 1 min read

KAHAPON ay agaran nating ipinawalambisa ang business permit at mayor’s permit na naigawad sa lahat ng mga lotto outlet, STL at iba pang sugal o palaro na pinatatakbo ng PCSO sa Lungsod ng Maynila. Bagama’t, malaking dagok ito sa mga kababayan nating umaasa sa tulong ng nasabing ahensiya at pati na rin ang libu-libong empleyado at may ari ng mga prangkisa ng mga nasabing lotto outlet, wala tayong magagawa kundi ang sumunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matagal na nating naririnig ang sinasabing korupsiyon sa PCSO at siguro ay may sapat na dahilan ang pangulo para suspendihin ang operasyon nito. Sa ngayon ay kailangan lang nating maghintay at magtiwala sa ating lider.

Maganda rin na tuluyang masiyasat ang libro at pananalapi ng nasabing ahensiya upang masampahan ng kaso ang sinumang mapatutunayang nagka­sala at nakialam sa pampublikong pondo nito.

Nanggaling mismo sa general manager ng PCSO na hindi raw maa­apektuhan ang mga humihingi ng tulong-pinansiyal sa ahensiya dahil may sapat pang pondo ngayong 2019, gayundin ang alokasyon sa iba’t ibang ahensiya pa ng gobyerno na umaasa sa tulong ng ahensiya.

Samantala, tatlong MTPB enforcers naman ang ating ginawang “regular” dahil sa hindi pagtanggap ng suhol. Bagama’t hindi ganu’n kalaki ang suhol at nararapat lang na parangalan ang mga enforcer na ito. Lingid sa kaalaman ng iba, marami sa ating mga enforcer ang job order (J.O.) at ang ilan ay volunteer pa.

Bagama’t, istrikto tayo sa mga nagka­kasala at abusado, tayo ay naniniwalang dapat parangalan ang ilang tapat sa kanilang trabaho. Ito ay magsisilbing inspirasyon sa iba pang mga kasama at nawa’y pamarisan sila ng mga ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page