top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg

MGA KATUTUBONG LARO, DINAGSA SA PALAWAN

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 30, 2019
  • 2 min read

PUERTO Princesa, Palawan – Sa maigsing paghahanda, naisakatuparan ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang misyon na mabigyan ng tulong ang katutubong Pinoy sa isinagawang Indigenous Peoples Games nitong weekend sa Ramon V. Mitra Sports Complex.

Ayon sa PSC Commissioner at Officer-in-Charge, siksik at liglig ang inspirasyon na dulot ng pakikiisa ng may 300 miyembro ng iba’t ibang tribo mula sa 12 munisipyo upang maipamalas ang angking husay sa mga tradisyunal na mga laro.

Nakopo ng munisipyo ng Rizal ang 2 gold sa larong kadang-kadang at casing para manguna sa mga nagwagi sa IP Games na suportado ng iba’t ibang ahensiya na nangangalaga sa Indigenous People.

Naitala ng magkakasanggang sina Ricky Balucos, Prince Claro Dela Cruz at Rady Padriquelan ang bilis na 43 segundo para pagbidahan ang 18-Under Men’s Category sa Kadang-Kadang sa Kawayan.

Sa Kadang Kadang sa Bao 18-U Female, namayani ang Team Narra nina Ivy Grace Talbo, Maria Cristina Usao at Rochelle Sernal sa tiyempong 1 minuto at 5 segundo.

Naiuwi ng Team Bataraza nina Ranel Bahukan, Joseph Mastare at Rowel Bahukan ang gold medal sa Kadang Kadang sa Bamboo 19 Above Men’s Class.

Ang Kadang Kadang sa Bao 19 Above Female winner ay ang Team Quezon nina Sarifa Valera, Jennifer Daco at Syren Lucio.

Nakiisa sa torneo ang LGU ng Aborlan, Narra, Quezon, Brooke’s Point, Sofronio Española, Rizal, Balabac, Roxas, Taytay, El Nido, Busuan, Coron, Araceli at Puerto Princesa City.

Itinataguyod ang Palaro ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Department of Tourism (DOT) at iba pang LGU’s.

Ito ang ikalimang pagkakataon na isinagawa ng PSC ang IP Games. (MC)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page