Mga dapat gawin para maiwasan ang varicose veins
- BULGAR

- Jul 30, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Ako ay saleslady sa mall. Ang problema ko ay ang pagkakaroon ng varicose veins sa mga binti at sobrang sumasakit ito. Ano ba ang maaaring gawin para rito? — Violy
Sagot
Marami sa atin ang may malalaking ugat sa mga paa at kamay, babae man o lalaki. Bukod sa hindi ito magandang tingnan, minsan ay sumasakit pa ito lalo na kung matagal na nakatayo sa trabaho. Mabigat at pagod ang pakiramdam ng may varicose veins at halos 20% ng pasyente na may varicose veins ay dahil namana ito sa kanilang mga magulang.
Narito ang maaaring gawin ng mga taong mayroong varicose veins:
Itaas ang mga kamay o paa. Ang sanhi ng varicose veins ay ang pagluwag ng mga ugat. Kapag palaging nakababa ang mga paa, mag-iipon dito ang dugo at mamamaga ang mga ugat. Makabubuting umupo at ipatong ang paa sa silya. Ipatong din ang mga kamay sa unan at itaas nang ilang ulit kada araw.
Magsuot ng support stockings o masikip na medyas. Ang support stockings ang pinakamabisang lunas para sa varicose veins kaya mahalagang palagi itong gagamitin.
Hangga’t maaari, iwasang tumayo nang ilang oras. Kung ang trabaho natin ay guro, security guard, pulis o saleslady, hindi malabong magka-varicose veins tayo. Mainam na galawin ang mga paa habang nakatayo para umakyat ang dugo mula sa mga paa pabalik sa puso.
Huwag magsuot ng masikip na pantalon. Ang madalas na pagsusuot ng masikip na pants ay dahilan upang maipit ang mga ugat sa mga paa. Siguraduhing katamtaman lang ang sikip nito para makadaloy ang dugo sa mga ugat.
Kumain ng mga gulay na mataas sa fiber. Ang mga prutas tulad ng papaya at pinya ay mayaman sa fiber. Sa tulong nito, magiging regular ang pagdumi natin. Kapag malambot ang dumi, makaiiwas tayo sa varicose veins.
Gayunman, kung malaki at masakit na ang varicose veins, mainam na kumonsulta sa doktor. Tandaan, huwag basta maniwala sa mga mamahaling gamot o pamahid para sa varicose veins.





Comments