Mga adik sa FB, Instagram etc., read n'yo 'to... socmed, nakakapagpababa ng tiwala sa sarili
- Ronalyn Seminiano Reonico
- Jul 30, 2019
- 2 min read

SELF-ESTEEM, napakaraming tao ang namumroblema sa pagkakaroon ng mababang self-esteem. Ito ang attitude na pino-project natin sa ating sarili at self-worth. Kung paano natin tingnan at pahalagahan ang ating sarili, nakaaapekto ito sa ating behavior.
Ayon sa mga eksperto, ang mga taong may mababang self-esteem ay mas pinipiling mapag-isa at nagiging lapitin ng stress. Hindi lamang physical appearance ang naaapektuhan ng self-esteem kundi maging ang pananaw natin sa ating sarili.
May kasabihang “you can’t change your past, but you can change your thoughts”.
Paano nga ba mai-improve ang self-esteem?
1. HUWAG MONG HUSGAHAN ANG IYONG SARILI. Ayon sa All4Women, pananalamin ang magandang panimula para rito, pero, sa kasamaang-palad, may ilang tao na puro kapangitan lamang ang nakikita sa sarili tuwing nananalamin. Sa tuwing nananalamin tayo, makatutulong ang pagngiti at pagkilatis sa magagandang parte ng ating sarili sa harapan ng salamin. Kapag madalas natin itong ginagawa, maitatanim na ito sa ating isip at makatutulong ito para ma-boost ang ating self-esteem.
2. HUWAG MONG IKUMPARA ANG SARILI MO SA IBA. Dahil sa social media, napananatili ang koneksiyon sa ibang tao at minsan, ang koneksiyong ito ay nakapagdudulot din ng negatibong epekto sa ibang tao. Sa pamamagitan ng social media, madaling maipakikita sa buong mundo kung gaano na kalayo at katayog ang nararating sa buhay ng indibidwal. Puno ng highlight reels ang mundo ng social media at ito ay maaaring makaapekto sa mga taong mayroong mababang self-esteem dahil magiging dahilan ito para maisip nilang mababa sila sa oras na ikumpara nila ang kanilang sarili sa mga walang katapusang payabangan sa social media.
Tandaan nating ang reyalidad ng buhay ang ikinukumpara natin sa mundo ng filters, photoshop at praktisadong selfies. Kaya, sey ng experts, limitahan ang paggamit ng social media.
3. HUWAG KANG MAGTAGO SA LIKOD NG MASKARA. Patok ito sa mga kabataan dahil karamihan sa atin ay natatakot magpakatotoo sa sarili, kaya nagtatago sa likod ng maskara. Ang ganitong gawain ay hindi makatutulong para makilala at matanggap natin ang tunay nating pagkatao. ‘Ika nga, be yourself!
4. HUWAG MONG ABUSUHIN ANG SARILI MO. Sa tuwing nakararanas tayo ng low self-esteem, nawawalan tayo ng ganang mag-ayos, lalo na kung feeling natin ay walang magbabago kahit pa mag-ayos tayo kaya madalas na inaabuso natin ang ating sarili sa iba’t ibang paraan tulad ng pagsubsob sa gawain para hindi na tayo magkaroon ng oras tingnan ang ating sarili sa salamin. Pero, hindi makatutulong ang pang-aabuso sa sarili dahil magbubunga lamang ito ng negatibong epekto hindi lamang sa emosyon kundi maging sa kalusugan.
Ang pag-a-unwind at pag-treat sa sarili tulad ng pagkain ng paboritong pagkain, pagpunta sa lugar na gustong puntahan at pagbili ng gustong bilhin ay makatutulong para maging masaya tayo.
Oh, ayan mga lodi, sabi nga sa kanta, love yourself, gayundin, ayon kay psychologist Leon Seltzer, mahalin mo ang sarili mo at pahalagahan para mahalin ka ng ibang tao. Tigilan na natin ang pagiging negatron at palakasin natin ang optimism para magkaroon tayo ng sapat na kumpiyansa sa sarili. Okay?





Comments