HAZCHEM, NAGPAKABOG VS. SAVIO SA D-LEAGUE


SINIMULAN ng Hazchem ang kanilang 2019 PBA D-League Foundation Cup sa pamamagitan ng panalo matapos ungusan ang kapwa baguhang Nailtalk-Savio, 98-78, kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Pinamunuan ni Raymark Matias ang panalo ng Green Warriors sa itinalang 24 puntos, 14 rebounds, 6 assists, 3 steals, at isang block. “Siya ‘yung go-to guy ko. Siya ‘yung nagmo-motivate ng team,” ani coach Manuel Torralba tungkol kay Matias. Matapos na muntik pang mawala ang 15-puntos na bentahe sa second quarter, rumatsada ang Green Warriors sa 3rd canto at kumana ng 9-0 run na nagresulta sa 66-47 na kalamangan.
Nagawa pang tapyasin ng Nailtalk-Savio ang naturang bentahe sa walo, 80-72, may natitira pang 6:20 sa laro bago ibinalik nina Matias at Marvin Morraga ang bentahe sa double digit sa pamamagitan ng back-to-back hits. Tumapos si Morraga na may 11 puntos, 6 assists at 2 boards. “Binuo namin itong team na ito almost three weeks lang. Hindi namin alam kung tutuloy kami. Credit to the players and the staff for this win. Hindi sa akin,” ayon pa kay Torralba. Nagtapos na topscorer si Normel Delos Reyes para sa Unicorns sa itinalang 19 puntos. (VA)





Comments