top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

PAGULAYAN, 5TH PLACE; 9TH PLACE SI CHUA SA WORLD 10-BALL

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Jul 29, 2019
  • 1 min read

DINOMINA ng magkapatid na cue artists mula sa Taiwan ang podium ng 2019 Predator World 10-Ball Championship matapos na magkampeon si Ping-Chung Ko at pumangatlo ang mas nakatatandang si Pin-Yi Ko sa palaruan ng Rio All Suites Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.

Matamlay ang mga kinatawan ng lahing kayumanggi sa torneo dahil nagkasya lang sa pang-limang baytang si Alex Pagulayan habang si Johann Chua ay nakihati sa pangsiyam na upuan. Kabuuang 64 piling cue artists mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo ang mga piling kalahok dito.

Apat na taon na ang nakakalipas nang huling mag­karoon ng world 10-ball championship. Sa torneong ito noong 2015, si Ping-Chung ang pumangatlo at si Pin-Yi ang nakaakyat sa trono. Hindi pumayag si Ping-Chung na muling makawala sa kanya ang korona nang daigin nito sa finals ang World 9-Ball Championship king na si Joshua Filler, 10-7, upang maselyuhan ang top purse na $30,000 at siguraduhing hindi mawawala sa Taiwan ang korona ng world 10-ball.

Kasama sa mga nabiktima ng kampeon bukod kay Filler, ang kasalukuyang pinakamalupit na manunum­bok sa buong mundo base sa listahan ng World Pool-Billiard Association (WPA), ay ang sorpresang se­mifinalist mula sa Japan na si Masato Yoshioka (10-3) at si Fil-Canadian Pagulayan noong quarterfinals (10-4).

Dahil sa pagkatalo sa eventual champion, nagkasya si Pagulayan sa pampalubag-loob na $5,000 samantala, $2,500 ang naibulsa ni Chua dahil sa unang sultada pa lang sa knockout round, kumurap na agad ang Pinoy sa kamay ni Pin-Yi Ko sa iskor na 2-10.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page