P150,000 na multa at kulong sa mall, school at hospital na OA ang singil sa parking fee

MASAYANG mamasyal nang may sasakyan dahil hassle-free, lalo na ngayong umuulan. Pero nakaka-stress pa rin kapag ang parking fee ng establisimyentong inyong pupuntahan, eh, parang ginto dahil sa taas ng singil. Hay naku!
‘Yung tipong saglit ka lang o wala pang kalahating oras, pero napakamahal na agad ng singil.
Sa totoo lang, hindi ito magiging malaking isyu kung may batas na susundin, kaya nakatutuwang nagsumite ng panukala na mangangasiwa sa pagpapatupad ng parking fees sa mga mall, ospital, eskuwelahan at iba pa.
Ang House Bill No. 506 o proposed Parking Fee Regulation Act ay inihain para mabantayan ang paniningil sa parking fee nang sa gayun ay malaman kung makatarungan ba ang halagang hinihingi.
Nakasaad dito na para sa mga pribadong establisimyento, P100 ang bayad kada 8 oras ng mga nais mag-park at karagdagang P10 kung lalampas.
Samantala, para sa overnight parking, P200 ang dapat ibayad, pero kung hindi naman lalampas sa 30 minuto, dapat libre na at kung may proof of purchase na nagkakahalagang P500 sa mall, restoran at tindahan, ang customer ay dapat ding maging libre sa kanyang parking.
Maliban pa rito, sa ospital ay maaaring malibre ng parking fee kung may “legitimate transaction” ang indibidwal.
Gayunman, sakaling maaprubahan ang batas, ipinanawagan sa mga negosyante na panatilihing malinis at paigtingin ang seguridad sa kanilang mga parking place.
At para sa mga mananatiling pasaway, P150,000 multa ang magiging parusa ninyo o isa hanggang 3 taong pagkakakulong.
Kaya para sa ikaaayos ng lahat, pakikipagtulungan at disiplina ang dapat nating pairalin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments