NERZA AT HALLASGO, PAMBATO NA BA SA 30TH SEA GAMES?
- A. Servinio
- Jul 29, 2019
- 2 min read

ISANG pares galing Mindanao ang nag-hari at nag-reyna sa Metro Manila qualifying race ng pinakamatandang karera sa bansa, ang 2019 MILO Marathon kahapon ng umaga sa SM Mall of Asia. Kampeon sa kalalakihan si Anthony Nerza ng Digos City at umulit bilang kampeon sa kababaihan si Christine Hallasgo ng Malaybalay City sa unang patakbo ng taon ng pinakamatanda at prestihiyosong takbuhan sa bansa.
Hinabol at nalampasan ni Nerza si dating MILO King Jeson Agravante sa huling 4 na kilometro sa may bandang Star City. Nagtapos si Nerza na may bagong pinakamabilis na oras sa 42.105 kilometro na 2:32:50 habang nagtapos na pangalawa si Richeel Languido (2:36:43) at tuluyang bumagsak sa ikatlong puwesto si Agravante sa 2:38:48.
”Hindi ko inaasahan na mananalo kasi tatlong linggo lang ang aking ensayo dahil sa trabaho,” paliwanag ni Nerza na isang Airman Second Class sa Hukbong Himpapawid ng Pilipinas. ”Maganda ang oras ni Anthony at maganda ang pagkakataon niya na mapabilang sa darating sa Southeast Asian Games,” dagdag ni Race Director Coach Rio de la Cruz ng Runrio Events.
Para kay Hallasgo, tumakbo siya sa Maynila matapos payuhan ng kanyang coach, ang alamat at limang beses na MILO King na si Eduardo “Vertek” Buenavista. Naging madali ang tagumpay para kay Hallasgo at tinawid niya ang finish line sa 3:06:28, mas mabagal ng isang minuto kumpara sa oras niya noong 2018, at pumangalawa si April Rose Diaz (3:15:05) at pangatlo si Maricar Camacho (3:26:03).
”Malaking sakripisyo ang ginawa ko ngayon na iiwan ang aking pamilya at anak sa Bukidnon upang makapag-ensayo sa national team,” wika ni Hallasgo na napipisil na pambato sa 10,000 metro sa SEA Games. ”Dati, ako lang mag-isa ang nage-eensayo pero ngayon, may mga coach na gumagabay sa akin.”
Mag-uuwi ang dalawang kampeon ng tig-P50,000, tropeo at regalo buhat sa mga sponsor at pasok na sila sa National Finals na gaganapin sa Tarlac sa Enero 19, 2020. Maliban doon, pareho silang sumasang-ayon na ang kanilang tagumpay ay hindi lang nakakatulong at nagbibigay saya sa kanilang pamilya kundi ito na rin ay nagsisilbing inspirasyon lalo na sa mga kabataan sa kanilang mga lugar.
Ang iba pang nagwagi sa araw na iyon ay sina Richard Salano (1:11:29) at Nhea-Ann Barcena (1:34:52) sa 21 kilometro at Jackson Chirchir ng Kenya (33:35) at Joida Gagnao (41:50) sa 10 kilometro. Kampeon sa 5 kilometro sina Vincent Vianmar Delacruz (15:33) at Joneza Sustituedo (19:52) habang wagi sina Mark Ezekiel Belista (10:00) at Aubrey Tom (12:09) sa 3 kilometro para sa mga kabataang 7 hanggang 12-anyos.
Ang susunod na yugto ng MILO Marathon ay gaganapin sa Subic Bay Freeport sa Agosto 4 at susundan ito ng iba pang mga 21-kilometrong karera sa Luzon sa Lingayen, Pangasinan (Agosto 18), Lucena (Setyembre 15) at Batangas (Setyembre 22). Ang mga karera sa Visayas at Mindanao ay sa Cebu (Setyembre 22), Iloilo (Oktubre 6), General Santos (Oktubre 13), Davao (Oktubre 20) at Cagayan de Oro (Nobyembre 17).





Comments