top of page

Mga pagkaing dapat iwasan para 'di kinakabag

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 29, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Sa tuwing natatapos akong kumain, pakiramdam ko ay hindi ako natunawan kaya kinakabag ako. Mayroon bang gamot na maaaring inumin para maiwasan ito? — Anthony

Sagot

Kapag lumunok tayo ng pagkain, tubig o laway, nakalulunok din tayo ng paunti-unting hangin na maaaring maipon sa ating sikmura.

Minsan, hindi natin mapapansin ang paglabas ng hangin o utot dahil kadalasan ay walang amoy ang hangin sa tiyan, pero kung mayroon man, tandaan na normal lang na magkaroon ng amoy ang hangin na lumalabas galing sa sikmura.

Ang kabag ay pakiramdam na parang palaging busog at matigas ang tiyan dahil sa pagdami ng gas sa small intestine. Ang pasyente na may kabag ay nakararanas ng mga sintomas tulad ng pananakit at paghilab ng tiyan, pagtatae at pananakit sa mababang bahagi ng likod.

Narito ang ilang paraan upang maiwasan ang kabag o mailabas ang sobrang hangin na naipon sa small intestine:

  • Gumamit ng aceite de manzanilla o chamomile oil. Ito ay mabisang gamot na mabibili sa botika kahit walang reseta ng doktor. Ipapahid lang ito sa tiyan hanggang sa bahagi ng likuran.

  • Uminom ng cabbage soup. Ang sabaw ng repolyo ay nakapagpapagaling ng kabag at ulcer. Ang average healing time para sa mga pasyente na may duodenal ulcer ay 10 araw lamang, samantalang, ang average healing time naman para sa mga pasyente na may gastric ulcer ay 7.3 araw. Mahalagang kumain o humigop ng cabbage soup 3 hanggang 4 beses kada linggo sa loob ng isang buwan hanggang sa bumuti ang pakiramdam at kondisyon o tuluyan nang mawala ang kabag o ulcer.

  • Siguraduhing katamtaman lang ang bilis ng pagkain. Ang mabilisang pagkain ang isa sa mga dahilan kaya kinakabagan ang tao. Nagreresulta ito sa hindi maayos o hindi pagkatunaw ng kinain.

  • Magkaroon ng balanced diet. Piliin ang mga pagkain na kaunti ang carbohydrate content at madaling matunaw sa tiyan tulad ng patatas, lettuce, saging at kanin.

  • Uminom muna ng tubig bago kumain. Makatutulong ito para mabawasan ang acid sa tiyan.

  • Umiwas sa paninigarilyo. Ang hinihitit na usok ay nakapagdudulot ng sobrang hangin sa tiyan.

  • Bawasan ang pag-inom ng softdrinks at kape. Ang mga inuming ito ay may mataas na acid at sugar content na maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng sobrang hangin sa tiyan.

  • Mag-exercise, araw-araw. Ang pag-eehersisyo nang regular ay makatutulong para magkaroon ka ng proper digestion sa katawan. Epektibo rin ang paglalakad-lakad kung ikaw ay dumaranas o nakararamdam ng sobrang pagka-bloated ng tiyan.

  • Bawasan ang pagkain ng processed food. Ang sobrang asin ay maaaring magdulot ng mga problema sa kalusugan kabilang ang abdominal fluid retention. Ang processed foods ay kadalasang naglalaman ng sodium o asin na nagsisilbing preservative. Ang mga pagkaing ito ay nagdudulot ng kabag sa tiyan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page