Giyera kontra korupsiyon ni P-Duterte, larga | Mga kurakot sa kaban ng bayan, lagot!

NAGLUNSAD si Pangulong Rodrigo Duterte ng giyera kontra iligal na droga nang maging pangulo siya tatlong taon na ang nakalipas.
Marami nang tagumpay ang labang ito subalit, hindi pa rin matapus-tapos.
Ngayong nangalahati na ang termino niya, tila naglulunsad siya ng panibagong ‘giyera’ na kontra naman sa korupsiyon.
Ilang ulit niyang idiniin nitong katatapos lang na SONA (State of the Nation Address), isang napakalaking problema ng bansa natin ang patuloy na paglaganap ng pangungurakot sa gobyerno. Halos mangiyak-ngiyak si Pangulong Duterte na napakahirap daw labanan nito.
Ang dahilan ay napakaramot daw ng maraming Pilipino na ang iniisip lang ay kapakanan ng kanilang sarili at pamilya.
Sa galit niya, sinabi niyang kapag mayroong kawani ng gobyerno na nanunuhol sa atin, sampalin at isumbong natin sa kanya dahil ipagtatanggol niya tayo.
Tumawag din daw sa Citizens Complaint “hotline” na 8888 at aaksiyunan ito.
Sa tingin natin, matatakot ang ordinaryong tao na manampal ng kawani ng gobyerno na nanunuhol at malabong magtagumpay ang ganitong kampanyang pagsugpo ng korupsiyon. Subalit, tila tinututukan naman na ni Pangulong Duterte ang paglaban sa korupsiyon nitong mga nakaraang linggo.
Samantala, nabuking na ng NBI noong isang linggo ang dalawang mataas na opisyales ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na humihingi raw ng P75 milyon sa isang kumpanyang pangtelekomunikasyon kapalit ng hindi na nila hahabulin ang buwis na P1.5 bilyon na dapat bayaran ng kumpanyang ito.
Isang pugad talaga ng mga mangungurakot ang BIR. Kadalasan, hindi ganyan kalaki ang hinihingi ng mga kawani nito. Maliit, pero kung maliit na negosyante ka, masakit ‘yan dahil halos malulugi sila.
Inanunsiyo rin ni Pangulong Duterte na batay sa imbestigasyon, mahigit 120 opisyales at kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang grabe rin daw mangurakot.
Inaayos na lang daw ang mga papeles para mapatalsik sila sa gobyerno o kung mahirap gawin ito dahilan sa mahigpit na “Civil Service Rules” natin, mailipat sa isang ahensiya na hindi sila puwedeng mangurakot.
Napakalaking bagay sa bansa ang giyera kontra korupsiyon na inilulunsad ng kasalukuyang administrasyon. Ang korupsiyon ang isa sa malalaking dahilan kaya naging mahirap ang ating bayan.
Kung hindi ito masusugpo, hindi uunlad ang ating ekonomiya at kung hindi umunlad ang ating ekonomiya, darami nang darami ang mga naghihirap na mamamayan dahilan para kumapit sila sa patalim o masangkot sa krimen para mabuhay ang kanilang pamilya.
Sa totoo lang, kung mapupuksa lang ng gobyerno kahit ang kalahati ng korupsiyon sa ating bayan, tiyak na napakalaki ng magagawa nito sa ikauunlad ng ating bayan.





Comments