Parami nang parami ang nabibiktima | Patayan sa bansa parang dengue, isa nang epidemya!
- BULGAR

- Jul 28, 2019
- 2 min read
TULAD ng dengue, kabi-kabila na rin ang patayan. Animo’y lamok ang mga may hawak ng baril sinuman ang mga ito, alagad man ng batas o kriminal. Hindi ba, maituturing nang epidemya ang patayan sa ating bansa?
Hindi natin masyadong naririnig ang tungkol sa mga biktima ng EJK. Napakarami nito ngunit, tila hindi naibabalita. Hindi ito normal sa maayos at mapayapang lipunan.
Kung unti-unti nang namanhid ang marami o hindi mo na sila maringgan tungkol sa mga patayan sa ating bansa, kailangang mabulabog at mabahala tayo tulad ng pagkabahala natin sa pagkalat ng dengue.
Kung may ahensiyang nananawagang labanan ang dengue, dapat mayroon ding ahensiyang manawagan na itigil na ang epidemya ng patayan sa ating bansa. Sinisikap gawin ito ng Komisyon ng Karapatang-Pantao subalit, sa pagtupad ng kanilang mandato, sukdulang batikos ang kanilang inaabot.
Sa mga nagdaang araw na sunud-sunod ang pagpatay na naganap sa Negros Oriental, nagtanong si Bishop Geradro Alminasa: “Ano ang nangyayari sa ating isla? Nananawagan ako sa lahat ng mga pari at lider-layko na nagsisilbi sa ating lugar na magkita-kita, mag-usap, magdasal at hanapin ang nararapat na kolektibong pagkilos bilang tugon sa lumalalang sitwasyon. Kailangan ito upang hindi tayo mawalan ng pag-asa, magsawalam-bahala at mawalan ng pakiramdam. Kailangang matigil na ito (patayan).”
Sa panawagan ng Obispo ng Diyosesis ng San Carlos, narinig natin ang opisyal na tinig ng Simbahan na nanawagang hanapan ng solusyon ang “epidemya ng patayan.”
Kailangang linisin ang kapaligiran at hanapin ang maaaring pag-anakan ng naturang problema. Hindi sapat ang umasa sa pamahalaan, kailangang magtulungan ang lahat upang matigil ang pagkalat ng epidemya.
Hindi simpleng problema ang patayan sa bansa. Narating na nito ang antas ng pagiging epidemya kahit ang mismong ulat ng kapulisan, libu-libo na ang namamatay sa giyera kontra iligal na droga ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa ulat: “During week 24, 2019, a total of 2,781 dengue cases were reported nationwide. As of 15 June 2019, the cumulative number of cases was 92,267 with 398 deaths. This is higher compared to 50,145 cases with 275 deaths reported during the same period last year. July 4, 2019.” Malinaw na hindi lahat ng dinarapuan ng dengue ay namamatay. Noong Hunyo 2019, sa 92,267 kaso ng dengue, 398 dito ang namatay.
Bagama’t, nakamamatay ang kagat ng lamok na may dengue, higit na nakamamatay ang bala ng baril. Tingnan natin ang ilang tanong na kailangang hanapan ng sagot: Sino ang may hawak ng baril? Saan galing ang kanyang baril? Bakit niya ito ginagawa?
Iilang tanong lang ito na maaari nating pag-usapan at hanapan ng sagot ngunit, kung babalikan natin ang naunang tanong kung “epidemya na ang patayan sa ating bansa” nararapat lang na kumilos tayo bago pa ito lumala at marami pang mamatay.





Comments