Nanuntok ng crew, nag-bomb joke sa airport | Mga partylist rep., mayayabang na, abusado pa!
- BULGAR

- Jul 28, 2019
- 2 min read
NANUNTOK ng service crew, nag-“bomb joke” sa paliparan, ganito na ba ang kalidad ng mga bagong halal na mambabatas ngayong ika-18 Kongreso?
Kamakailan, isang baguhang partylist representative ang nagbitaw ng biro na ang nilalaman ng kanyang bagahe ay bomba matapos siyang tanungin ng mga security sa NAIA.
Kaya naman, agad ipinaalam ng security sa kanyang supervisor ang insidente kung saan dinala ang mambabatas sa police station.
Gayunman, dumating agad ang abogado ng mambabatas at iginiit na hindi puwedeng kasuhan ang sinumang mambabatas habang nagaganap ang Kongreso ng Pilipinas kung ang parusa ng krimen ay hindi hihigit ng anim na taon, kaya agad din siyang pinalaya ng mga pulis.
Sa totoo lang, kaya nagiging mayabang at abusado ang mga ito ay dahil sa batas mismo na pabor sa kanila. Kung ordinaryong mamamayan ito, malamang, nabulok na siya sa kulungan o hindi lang ‘yun ang inabot niya.
Dahil dito, sinumang mambabatas ay libreng magbitaw ng mga ganyang biro (kahit hindi nakakatuwa) dahil hindi sila mahuhuli o makukulong.
Samantala, ano ang nangyari sa congressman na nanuntok ng service crew sa Legazpi? Nanuntok ng ‘probinsiyano’ ang kinatawan ng Ang Probinsyano Partylist, matatawa ka na lang talaga!
◘◘◘
Ipinakita ni Jay Batongbacal, direktor ng University of the Philippines’ Institute for Maritime Studies and Law of the Sea, ang imahe mula sa analitikong Hapon na umano’y ruta ng Chinese aircraft carrier Liaoning kung saan dumaan ito sa Sibutu Strait na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Sa panahon ngayon kung saan moderno na ang teknolohiya, hindi madaling makapagtatago ang anumang barkong naglalayag sa karagatan.
Binanggit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ilang beses daw dumaan ang mga barkong-pandigma ng China sa Sibutu Strait ngayong taon, pero hindi ipinaaalam.
Wala raw problema kung malayang dumaraan lang, pero sana, ipinaaalam sa bansa.
Samantala, itinanggi naman na ang Liaoning ang dumaan, pero ito ang ebidensiyang unang binanggit ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Lumalabas na kapag China ang dumaraan sa loob ng ating teritoryo ay hindi ipinaaalam, pero kapag ang mga barko, eroplano natin o ng ibang bansa ang lumalapit sa mga isla na hindi pa man idinedeklarang kanila ay pagbabanta agad ang maririnig mo.





Comments