Mayor, 3 pang LGU officials tinodas
- Jeff Tumbado
- Jul 28, 2019
- 2 min read

APAT katao kabilang ang dating alkalde sa bayan ng Ayungon, Negros Oriental ang patay sa magkakahiwalay na pananambang, kahapon ng madaling-araw.
Batay sa naisumiteng report kay Police Brigadier General Debold Sinas, kinilala ang mga pinaslang na sina dating Mayor Edwel Enardecido, pinsang si Leo Enardecido, Canlaon City Councilor Ramon Jalandoni at Panubigan Bgy. Captain Ernesto Posadas.
Ayon sa imbestigasyon, pinasok ng armadong grupo ang bahay nina Enardecido pasado alas-2:00 ng madaling-araw saka siya pinagbabaril.
Habang sina Jalandoni at Posadas ay tinambangan ng riding-in-tandem pasado hatinggabi sa Canlaon City.
Samantala, sa kabila ng kaliwa’t kanang patayan sa lugar kung saan umakyat na sa 14 katao ang biktima sa loob lamang ng isang linggo ay itinanggi ng pamunuan ng PRO7 ang vigilante group ang nasa likod nito.
Ipinagmalaki ng opisyal na sa 14 na kaso ng pagpatay ay dalawang suspek dito ay naaresto na at patuloy na iniimbestigahan.
Ayon kay Sinas, posibleng nagpapatayan ngayon ang mga miyembro ng isang drug organization.
May koneksiyon aniya ang tatlong lalaking nasawi mula noong Huwebes sa drug lord na si Steve Go, na napatay ng kapwa inmate sa Mandaue City Jail noong June 2018.
Nasawi rin sa police operation si Girly Luage na pumalit kay Go para pangunahan ang operasyon ng droga.
Ayon kay Sinas, ang iba pang lider ng drug group ay nais buhayin ang grupo ngunit, pinagsususpetsahan nila ang ilang miyembro ay asset ng pulisya kaya nahuli si Luage.
Posible umanong mensahe ang mga pagpatay sa iba pang miyembro ng gang o kaya ay para mailihis ang atensiyon ng pulisya sa imbestigasyon.
Tiniyak naman ni Sinas na hindi dapat maalarma ang publiko sa mga pagpatay dahil ang mga nasasawi ay may hindi malinis na background.





Comments