top of page
Pokwang.jpg

May dengue, may pera o wala, bawal tanggihan ng ospital

Ryan B. Sison
Jul 28, 2019
2 min read

SINO ang hindi mangangamba sa dengue outbreak na nangyayari ngayon sa bansa?

Sa ngayon ay dumarami pa rin ang mga indibidwal na na-diagnosed ng dengue kung saan nahihirapan na ang ilan dahil sa kakulangan ng ospital, gayundin sa gastusin na kanilang dapat bayaran.

Gayunman, nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mga ospital na tumatanggi sa pagtanggap ng mga pasyente na mayroong dengue hemorrhagic fever.

Ito ay kasunod ng mga reklamong natang­gap ng ahensiya hinggil sa mga pasaway na ospital.

Sa totoo lang, maraming ganitong senar­yong nangyayari sa iba’t ibang pagamutan kung saan ang inuuna ay ‘yung may mga pambayad at kahit halos naghihingalo na ang pasyenteng walang pera ay dedma lang sila.

Nakadidismaya at nakalulungkot, ‘di ba? Buhay na ang pinag-uusapan, pero pera pa rin ang ginagawang batayan.

Ito ang dapat solusyunan ng pamahalaan, ang paglalaan ng mga ospital na may mga tauhang hindi pumapayag na may diskrimi­nasyon sa mga pasyente dahil ‘yun ang pi­nakakailangan natin lalo na sa mga ganitong sitwasyon.

Dagdag pa rito, para sa kaalaman ng lahat, nakasaad sa protocol ng DOH na ang mga pasyenteng hindi kayang gamutin ng rural health unit ay kailangang dalhin sa district hospital habang ang mga pasyenteng hindi na kayang gamutin sa mga district hospital ay kailangang dalhin sa mga provincial hospital o tertiary hospital.

Samantala, kung walang pambayad ang pasyente, mainam na i-refer sila sa mga charity, hindi ‘yung itataboy na lang sila.

Tandaan, mahalaga ang buhay ng bawat isa, kaya kung may magagawa tayo para ito ay maisalba, gawin natin ang lahat ng ating makakaya!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page