BAGUHANG LASHES, PINIGA ANG ONLINE SA D-LEAGUE


NAWALAN ng saysay ang triple double na itinala ni Aaron Black matapos mabigo ang kanyang koponang AMA Online Education sa baguhang Asia’s Lashes Tomas Morato, 105-106 sa pagbubukas ng 2019 PBA D-League Foundation Cup sa Paco Arena sa Manila.
Nabura pa ng Titans ang 13-puntos na kalamangan ng Soldiers sa kalagitnaan ng final canto at nagawa pang lumamang, 103-102 may nalalabi pang 1:16 sa laro bago isinalba ni James Martinez ang huli sa pamamagitan ng apat na freethrows. “Opening game kasi kaya medyo na-tense. Buti na lang naka-recover,” pahayag ni Asia’s Lashes coach Alvin Grey. Tumapos si Martinez na may 13 puntos, 5 assists, at 3 rebounds, habang nagposte ng 26 puntos na kasama ang 8 triples ni Adrian Celada upang pamunuan ang panalo.
Tatlo pang kakampi nila ang nagtala ng double figure na sina Francis Camacho -13, Levi Dela Cruz-12 at Jeson Delfinado-10.
Dahil sa kabiguan, nauwi sa wala ang triple-double ni Black para sa AMA na binubuo ng 25 puntos, 15 rebounds, 11 assists, at 4 steal blocks.
Anak ng dating PBA great at ngayon ay Meralco head coach na si Norman Black si Aaron Black, ang 8th placer sa developmental league history na nakapagtala ng triple double.
Sa ikalawang laro, dinurog ng Technological Institute of the Philippines ang McDavid-La Salle Araneta, 106-81.
Mula sa pagkakatabla ng iskor sa 11-all, naglatag ang Engineers ng 13-3 run upang itayo ang 24-14 na kalamangan na sinundan pa nila ng pagsalansan ng 36 puntos sa second frame para palobohin pa sa 60-30 ang lamang sa halftime. (VA)





Comments