$6-M PPV NINA PACMAN-THURMAN; SPENCE AT PORTER, SINO NEXT?
- Gerard Arce
- Jul 28, 2019
- 1 min read

WALA nang ibang pagpipilian si Manny Pacquiao ngayong hawak na niya ang dalawang WBA titles, ang WBA Championship na nakuha niya kay Keith Thurman at ang kanyang sariling regular WBA Championship, kundi ang nalalapit na pagtutuos nina Errol Spence, Jr. at Shawn Porter sa Setyembre 28. Si Spence ang IBF champion habang si Porter ang may hawak ng WBC crown. Sinuman ang magwagi sa dalawa ay siya ang nakatakdang makipagbakbakan sa 147-pound na si Pacman.
Samantala, pumalo sa mahigit anim na $6-M ang kinita ng ticket sales ng salpukan sa pagitan nina 8th division world champ Pacman at Thurman noong Hulyo 21 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Inanunsiyo ng Nevada Athletic Commission ang kabuuang ticket sales ng laban para sa WBA welterweight title na umabot sa $6,260,275-M na may nabentang 11, 436 tickets, habang may naipamahagi pang 1,675 complimentary tickets, kung saan dinaluhan ng 14,356 katao.
Ayon naman kay Mike Coppinger ng The Athletic, naging maganda raw ang benta ng WBA “super” 147-pound title fight sa FOX Sports Pay-Per-View na nakapagbenta ng 500,000. Ito raw marahil ang pinakamataas na bentahan ng pay-per-view ngayong taon, gayundin kung pagbabasehan sa isang ‘Pro fight’ sa Estados Unidos simula noong bakbakan sa pagitan nina Canelo Alvarez at Gennady “Triple G” Golovkin sa kanilang rematch noong Setyembre 2018 na may halos $1-M na pagbili.
Idineklarang wagi ang 40-anyos na si Pacquiao (62-7-2, 39KOs) sa bisa ng ‘split decision’ habang nakuha ng 30-anyos na Amerikanong si Thurman (29-1, 22KOs) ang kanyang unang talo sa 30 na laban.





Comments