SINO ANG MAY ‘K’ SA P1-MILYON AT SA FIBA 3X3 WORLD TOUR SA JEDDAH?
- A. Servinio
- Jul 27, 2019
- 2 min read

ISANG milyong piso ang naghihintay sa kampeon ngayon sa pagwawakas ng Chooks-To-Go Pilipinas 3X3 Patriot’s Cup na handog ng Coca-Cola sa SM Megamall.
Hindi puwedeng magkamali ang 12 koponan dahil isang talo lang ay tapos na agad ang kanilang kampanya.
Pagkatapos ng apat na lingguhang torneo sa iba’t ibang SM Supermall, nakamit ng Phenom Basilan CTC Construction, Wilkins-Balanga, Gold’s Gym Pasig at VetHealth Delhi 3BL ng India ang apat na pinakamataas na puntos kaya sila ay pasok na agad sa q’finals at maghihintay nalang ng kalaro.
Mapapansin din na ang apat na nabanggit na team ay nanalo ng tig-isang kampeonato kaya walang napipisil na maagang paborito.
Sinimulan ng Pasig ang Patriot’s Cup sa pagsungkit ng kampeonato sa SM Seaside City Cebu noong Hunyo 16 ngunit, naagaw ng mga bisita mula sa Delhi 3BL ang korona sa SM City Fairview noong Hunyo 23.
Nabawi ng Basilan ang tropeo para sa Pilipinas sa SM Center Muntinlupa noong Hulyo 6 at ang Balanga ang nanaig sa sumunod na yugto sa SM Megamall noong Hulyo 13.
Ang walong nalalabing team – Zamboanga Valientes, Max4 Birada Cebu, Mindoro Tamaraws, MiGuard-Vigan, Tycoon-Quezon City, Inoza-Gulf Supreme Bulacan, Thunder-Pateros at Marikina Shoemasters ay daraan sa qualifying round sa umaga.
Ang apat na maiiwan ay tatapat sa mga nauna na sa q’finals at tutuloy sa semis at championship game sa hapon.
Ayon kay Commissioner Eric Altamirano, ang koponan na makakalikom ng pinakaraming pinagsamang puntos mula sa unang apat at ang ika-5 at huling torneo ay ipadadala sa FIBA 3X3 World Tour Masters sa Jeddah, Saudi Arabia ngayong Oktubre 18.
Ito na ang huling yugto ng World Tour sa taong ito bago ang grand finals sa Utsunomiya, Japan sa Nobyembre 2 kung saan ang 12 pinakamahusay na koponan lang ang makasasali.





Comments