P5.5 milyong droga nasabat sa NAIA

UMABOT sa P5.5 milyong halaga ng illegal drugs ang kinumpiska kahapon ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Port of Manila District Collector Mimel Talusan, ang mga nakumpiskang kontrabando ay kinabibilangan ng 1,490 tableta ng ecstasy, 3,320 tableta ng valium at 1,850 gramo ng kush weeds/marijuana.
Nabatid na ang P2.3 million ecstasy tablets na galing Germany ay nakadeklarang pasalubong at P2.9 million kush/marijuana na galing United States ay nakadeklara bilang tortilla chips.
Dagdag pa ni Talusan na ang presyo ng ecstasy ay tumataas pa depende sa ipinapataw na presyo ng drug dealers.
Samantala ang P56,000 presyo ng valium tablets ay patungo sa 36 consignees ng siyam na bansa — USA, Australia, United Arab Emirates (Abu Dhabi), Germany, Saudi Arabia, France, Sweden, Spain at United Kingdom na ipinadala sa apat na iba’t ibang shippers mula Parañaque City at Bulacan.
Pinaalalahanan ni Talusan ang publiko na ang pag-import at export ng illegal drugs ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) in relation to RA 10963 (Customs Modernization Act).





Comments