top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mga pulitikong utak-marcos, napapuwesto pa rin

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 27, 2019
2 min read

ANO ang tungkulin ng mga pastor ng Simbahan, mga Obispo, pari, relihiyoso at lider-layko? Sinagot ang tanong na ito ni San Pablo sa kanyang liham kay Timoteo. “Inuutusan kita sa ngalan ng Diyos at ni HesuKristo na hahatol sa mga buhay at mga patay: Alang-alang sa Kanyang pagparito at paghahari, ipangaral mo ang salita ng Diyos, napapanahon man o hindi; hikayatin mo, pagsabihan at patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahong hindi na nila pakikinggan ang wastong aral; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Mangangalap sila ng mga gurong walang ituturo kundi ang mga bagay lamang na gusto nilang marinig.” (2 Timoteo 4: 2ff)

Hindi madali ang maging tagasunod ng Panginoon, hindi madali ang tunay na pagpapalaganap ng Ebanghelyo. ‘Ika nga sa Banal na Kasulatan, “Kahit si Satanas ay maaaring gamitin ang Salita ng Diyos.” Ganito ang kasalukuyang panahon, madaling patamisin ang mensahe ng Panginoon. Sa panahon ngayon, mapanganib ang magsalita ng totoo at walang kumpromiso.

Sa mga nagdaang panahon, maraming pangalan ang matunog dahil sa kanilang pagsunod sa tagubilin ni Pablo kay Timoteo na “Ipahayag ang Salita ng Diyos, napapanahon man o hindi…” Hindi matatawaran ang pamama­hayag nina Jaime Cardinal Sin; Bishop Antonio Fortich; Bishop Julio Labayen; Bishop Francisco Claver; Bishop Ben de Jesus at marami pang iba. Maraming pangalan ng kaparian at relihiyoso ang nakilala dahil sa kanilang matapang na mga tinig tulad nina Fr. Carlos H Abesamis Sj; Fr. Archie Intengan; Fr. Junie Jesena Sj; Fr. Rudy Romano; Fr Benny Baisas OFM at marami pang iba. Naroroon din ang matingkad na tinig ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Hindi nawawala ang mga tinig na ito sa paglipas ng panahon, may panganib man o wala, karaniwan man o hindi ang takbo ng buhay-lipunan. Tila nagbago ang lahat nang makamit natin ang kalayaan sa diktadurya noong 1986. Tila naisip ng marami na tapos na ang problema. Naging “transition president” si ex-P-Cory, inakay niya ang bansa mula sa diktadurya, sa muling pagbuhay at pagpapasigla sa demokrasya.

Ngunit, marami siyang hindi nakita at napagtuunan ng pansin. Hindi niya nakitang marami pa ang naiwanang pulitiko na pareho pa rin ang pag-iisip sa mga Marcos. Hindi sila nawala at nanatili ang mga ito sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan lalo na sa hanay ng kapulisan at militar. Naghintay lang sila ng tamang panahon upang muling pairalin ang dating pananaw.

Ngayong Sabado, ganap na ika-6:00 ng gabi, magtitipun-tipon ang lahat ng pari, relihiyoso at lider-layko ng Diosesis ng Cubao sa Immaculate Concepcion Cathedral sa Lantana, Quezon City upang ipagdasal si Bishop Ongtioco kasama ng ibang obispo at paring ginigipit. Sa pagsasama-sama ng lahat, muling pakikinggan ang tinig ni San Pablo at Zalita ng Diyos, napapanahon man o hindi!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page