‘Di man kalakihan ang idaragdag Umento sa suweldo ng mga guro, may pag-asa!
- BULGAR

- Jul 27, 2019
- 2 min read
NOONG Lunes, July 22, muling nag-ulat si Pangulong Rodrigo Duterte sa sambayanang Pilipino tungkol sa achievements, mga plano at nagawa ng kanyang administrasyon sa pamamagitan ng kanyang State of the Nation Address o SONA.
Sa ikalawang pagkakataon, hindi inulan ng pagmumura ang kanyang SONA kumpara sa naunang dalawa. ‘Ika nga ng suki nating barbero na tagahanga ng pangulo, “mabuti naman”.
Tulad ng inaasahan, straight forward ang pangulo sa kanyang pananalita lalo na sa pagbabanta sa mga korup na opisyal.
Kilala natin ang pangulo na walang sinasanto kahit kaibigan.
Ilang ulit na rin niyang napatunayan ‘yan na basta involved sa korupsiyon gaanuman kalapit ang kanilang pagkakaibigan, pasensiyahan na lang dahil sisibakin talaga sa puwesto at kaisa tayo ng pangulo pagdating sa pagbasura sa korupsiyon.
Bilang lingkod-bayan, dapat mapanatili natin ang kalinisan at katapatan sa serbisyo.
Dahil kung maayos ang ating panunungkulan, mga kababayan natin ang mapapabuti.
Pinasaringan din ng pangulo ang mga government agency na pabaya sa trabaho at ‘yung mga napakabagal ng serbisyo kung saan mayroon tayong mga nababalitaang reklamo na “hindi raw magandang ugali” sa government agencies na pinahihirapan ang mga kliyente — ‘yung mga pinababalik-balik at pinapagod ang mga tao kahit matatanda o galing sa probinsiya, mali ‘yan!
Sana naman, baguhin natin ang ganyang sistema. Narito tayo para makatulong at hindi para magbigay ng dagdag-problema sa mga kababayan natin.
Ang kabuuang SONA ni Pangulong Duterte, masasabi nating “well-curated” dahil talagang tinumbok niya ang mga gustong marinig ng tao.
Isa sa pinakahihintay nating banggitin niya ay ang salary hike sa mga guro. Isa ito sa mga panukalang-batas na isinusulong natin sa Senado kaya nabigyan tayo ng pag-asa sa kanyang sinabi.
Sabi niya, hindi man daw kalakihan ang idaragdag, tiyak na nakatutulong ito sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Mayroon tayong proposed bill, ang Senate Bill 131 kung saan layunin nitong madoble ang natatanggap na suweldo sa entry-level ng mga teacher.
Ang SG 11 Step 1 sa teachers ay tumatanggap lang ng buwanang P19, 077, pero kung maisasabatas ang panukala, tatalon ito sa P36, 409 kada buwan na patuloy nating ipaglalaban ngayong ika-18 Kongreso.
Ang inyong lingkod, minsan ay naging isa ring guro kaya alam natin ang hirap at sakripisyong dinaranas nila.
Sana, pahalagahan natin sila at kilalanin sa pamamagitan ng maayos na pasuweldo at benepisyo.
Sa kabuuan, ano raw ba ang reaksiyon natin sa SONA ng pangulo? Simple lang, umaksiyon tayo at magtrabaho!





Comments