Sundalo nag-amok sa bar, huli

INARESTO ng mga awtoridad ang isang sundalo dahil sa umano’y pagpapaputok ng baril sa isang videoke bar sa Parañaque City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Cpl. Rofel Alabastro, 33, binata, miyembro ng Philippine Army at nakatalaga sa HHSG, Fort Bonifacio, Taguig City.
Sa ulat ng Southern Police District, naganap ang insidente sa Lagoon Videoke Bar sa Parañaque City, alas-5:00 ng hapon.
Ayon sa ulat, nagtungo sa tangggapan ng Police Community Precinct 5, ang dalawang concerned citizens kaugnay ng pagpapaputok ng baril ng suspek sa loob ng bar na nagdulot ng takot sa mga customer at residente sa lugar.
Agad rumesponde ang mga pulis na sina S/Sgt. Jimboy Alforte, Cpl. Ramoncito Sabido at Cpl. Rowel Bao-Baoen na ikinaaresto ng suspek matapos siyang ituro ng mga naroon sa bar.
Sa isinagawang body search, narekober ng mga awtoridad mula sa sundalo ang caliber .45 Remington SN 1459155, dalawang magazines at 14 bala ng nasabing baril.
Nakita rin ng mga pulis ang nasirang sahig ng bar na dulot ng tama ng bala subalit, walang natagpuang basyo at slug ng baril.
Sa inisyal na imbestigasyon, ipinakita ng suspek ang kanyang Property Acknowledgement Receipt, Mission Order at Identification Card na patunay ng kanyang serbisyo sa PA at ang nasabing baril ay inisyu sa kanya bilang service firearm. Mahaharap sa kasong illegal discharge of firearm at alarm and scandal ang suspek.





Comments