Mga dapat alamin bago gumamit ng insulin
- BULGAR

- Jul 26, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Ang aking mister ay may diabetes at nag-i-inject siya ng insulin dalawang beses kada araw. May pinsan akong namatay at marami siyang insulin pen na hindi nagamit. Nasasayangan kami dahil mahal ang presyo nito. Maaari ba itong gamitin ng mister ko?
Sagot
Ayon sa National Health Service ng United Kingdom, dapat sundin ang apat na ‘rights’ (right insulin, right dose, right way, right time) para magamit ang insulin nang ligtas.
Right insulin (tamang insulin) - may iba’t ibang klase ng insulin. Puwedeng magkasintunog ang mga pangalan o magkahawig ang hitsura ng vial o insulin pen. Halimbawa ay Humalog Mix 50, Humalog Mix 30, Novomix 30, Mixtard 30, Scilin M30 at Insuget 70/30. Isa pa, may insulin na malabo (cloudy) ang hitsura at malinaw na parang tubig. Depende sa doktor kung anong klaseng insulin ang angkop para sa inyo kaya siguraduhing tama ang insulin na gagamitin.
Right dose (tamang dosis) - basahin nang mabuti ang reseta kung ilang units ang dapat iturok. Minsan, ang nakasulat ay 4 u, ang “u” ay short for units. Madalas, napagkakamalan ang “u” na 0 (zero) at 40 units ang maiturok imbes na 4 units lamang. Tingnang mabuti ang mga guhit sa hiringgilya o dose window ng insulin pen. Makabubuti kung ipatse-check sa iba bago iturok ang insulin para makasigurado.
Right way (tamang paraan) - dapat iturok ang karayom ng insulin nang 90 degree angle sa balat. Puwedeng iturok ang insulin sa tiyan, pigi, mga hita at braso. Tandaan, huwag sa iisang bahagi lang ang pag-i-inject ng insulin upang maiwasang magkaroon ng bukol o mamaga ang bahaging ito, gayundin, dapat isang beses lamang gamitin ang karayom ng insulin pen o hiringgilya ng insulin.
Right time (tamang oras) - dahil magkakaiba ang klase ng insulin, magkakaiba rin ang timing kung kailan ito dapat iturok. Puwedeng 30 mins. bago kumain, bago matulog, tuwing alas-10:00 ng umaga at iba pa.
Sa sitwasyon ng iyong mister, hindi siya maaaring basta gumamit ng insulin. Bago magpalit o gumamit ng ibang insulin, makabubuting tanungin muna ito sa doktor.





Comments