Mga kotong na traffic enforcer, kasalanan din ng mga pasaway na motorista!
- Ryan B. Sison
- Jul 25, 2019
- 1 min read

MARAMING traffic enforcers ang nasasangkot sa pangongotong kung saan ang ilan sa kanila ay naparusahan na, pero may ibang kahit ilang beses nang pinaalalahanan ay hindi pa rin tumitigil sa pagsuway.
Pero, paano ito matutuldukan kung may mga motoristang pasaway din?
Gayunman, ang panawagan natin sa publiko, partikular sa mga nagmamaneho ng sasakyan, itigil na ang pagbibigay ng suhol sa mga traffic enforcer at kasabay nito, dapat huwag tumanggap ang mga enforcer ng pera mula sa mga motorista na lalabag sa batas-trapiko.
Kung kinakailangang tiketan, gawin dahil ‘yun ang nararapat!
Kapag hinayaan nating makasanayan nila ang pagbibigay ng suhol, hindi sila matatakot na gumawa ng ikapapahamak nila, lalo na kung may pera naman silang ibibigay.
Samantala, aminin man natin o hindi, karamihan sa mga motorista ay ayaw ng hassle pagdating sa pagkuha ng lisensiya kapag natiyempuhan ng mga enforcer kaya imbes na maghintay pa ng ilang araw ay nag-iipit na lang ng pera para mabilis maareglo at ‘yun ang dapat nating tuldukan.
Kaya kung gusto nating maayos ang sistema sa kalsada, dapat pairalin ang pagiging disiplinado at pagkukusa.
Itigil ang gawang masama dahil hindi ito ikauunlad ng bansa!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments