Math and Science public high school sa bawat siyudad, isulong!
- BULGAR

- Jul 25, 2019
- 2 min read

ALAM ba ninyong sagana ang ating bansa sa mga kabataang may likas na galing sa Math at Science? May mga pagkakataon lamang na hindi nila ito alam, napapansin o nasusulit dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Kaya upang lubos na magamit ay kinakailangan nilang malaman ang kanilang potensiyal, panghihikayat mula sa iba at lakas ng loob na hasain ito sa tulong ng angkop na edukasyon kaugnay dito.
Isa na rito ang matinding pangangailangan ng ating bansa ng mga paaralang may specialization sa Math at Science.
Sa kabila ng mga positibong resulta sa patuloy na pagpapabuti ng sektor ng edukasyon, iniulat kamakailan mula sa Global Competitiveness Survey na mababa ang ranggo ng Pilipinas kumpara sa ibang bansa pagdating sa kalidad ng Math at Science Education sa kolehiyo.
Dahil dito, muli nating inihain ngayong ika-18 Kongreso ang Senate Bill No. 369 o ang Equitable Access to Math and Science Education Act.
Sa pamamagitan ng nasabing panukala, gagawan ng Department of Education (DepEd) ng pampublikong Math at Science high school ang bawat kabisera ng lahat ng mga probinsiya sa bansa.
Nakasaad sa panukala ang pagsasaayos ng mga paaralan, renobasyon at pagbubukas muli ng mga kasalukuyang hindi na napakikinabangang pasilidad pati ang hindi nagagamit na pasilidad na pagmamay-ari ng gobyerno. Ang mga paaralang ito ay bukas sa School Year 2020-2021.
Kapag naisabatas na, popondohan ng DepEd ang gagawing paaralan at magiging kabilang sa taunang General Appropriations Act o GAA.
Bukod dito, mag-iimplementa ang lahat ng mga public Math at Science high school ng anim na taong kurikulum sa junior at senior high school.
Magiging basehan nito ang bagong kurikulum ng Philippine Science High School System para sa Grades 7 hanggang 12 na tumututok sa paksang Advanced Mathematics at Technology sa ilalim ng pangangasiwa ng DepEd at Department of Science and Technology (DOST).
Isa sa mga indikasyon ng maunlad at progresibong lipunan ay ang presensiya at kontribusyon ng ating mga scientist, mathematician, engineer at iba pang mahuhusay na propesyunal na nagsisilbing utak at humahawak ng malaking papel sa pagpapatakbo ng iba’t ibang industriya.
Naniniwala tayong ang karunungan ng mga mag-aaral sa mga paksang tulad ng Math at Science ay kasanayang kanilang aangkinin at dadalhin sa araw-araw na gawain o aktibidad.
Mayroon silang abilidad na magpaliwanag nang malalim ngunit, naiintindihan pa rin ng iba na maging malikhain, mapanuri at sumagot nang may kabuluhan.
Kaya naman, para lubos na makamit ang pinakamataas na potensiyal tungo sa sariling tagumpay ng mga mag-aaral at mas lumalagong ekonomiya ng bansa ay dapat nating umpisahan ngayon ang edukasyon sa loob ng klasrum upang makabuo ng mas marami pang malilikhain at matatalinong propesyunal sa hinaharap.
Kung ang kabataan ay mayroong maayos na pundasyon ng pag-aaral mula sa Math at Science na kurikulum, tiyak na kaunlaran at progreso ito sa kinabukasan ng kanilang mga sarili at ng ating lipunan.
Kaya naman, bigyan natin ng prayoridad ang mga pampublikong Math at Science high school sa mas malawak pang sakop ng ating bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments