top of page

Malakas na regla, sintomas ng pagdurugo ng matris

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 25, 2019
  • 1 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay 47 year old at may 4 na anak. Nababahala ako dahil irregular ang aking menstruation. Minsan, dalawa o tatlong buwan bago ako datnan, pero sobrang lakas nito. Ito ba ang simula ng menopausal period? Ang sabi ng kumare ko, baka raw perimenopause, maaari ba ninyong ipaliwanag ang tungkol dito? Salamat. — Jo

Sagot

Sa pag-aaral ng mga eksperto, mali ang paniniwala ng ilang kababaihan na ang malakas at madalas na pagkakaroon ng regla habang nagkakaedad ay sintomas ng menopause o yugto ng permanenteng paghinto ng regla ng babae.

Habang papalapit ang menopausal period ng isang babae, dapat “humihina at kumokonti” ang pagkaka­roon nito ng regla, hindi papalakas at dumadalas.

Ang madalas na pagkakaroon ng regla habang nagkakaedad ay maaaring sintomas ng abnormal uterine bleeding o pagdurugo ng matris.

Samantala, maituturing lamang na menopause na ang babae kapag lumipas ang isang taon na hindi siya nagkakaroon ng regla. Karaniwan sa mga kababaihang makararanas ng menopause sa edad 50.

Kaugnay nito, sa edad 45, nag-uumpisa ang “perimenopause” o pagbabagong-kalagayan bago mag-menopause.

Ang ilan sa mga sintomas ng perimenopause ang tinatawag na “hot flushes” o biglang pag-init ng katawan at sobrang pagpapawis habang natutulog sa gabi.

Gayunman, mainam na magpakonsulta agad sa doktor kapag ang pasyente ay dinugo kahit menopause na ito o lumipas na ang isang taon na hindi nagkakaroon ng regla.

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page