BEERMEN, INOLATS ANG PIER, SOKPA NA SA SEMIFINALS!


NAGING matatag ang San Miguel Beer sa endgame upang itakas ang 90-88 panalo kontra No. 2 seed NorthPort Batang Pier sa do-or-die game ng PBA Commissioner’s Cup quarterfinals kagabi sa Araneta Coliseum.
Nangalabaw si import Chris McCullough ng 31 points at 11 rebounds upang akbayan ang Beermen sa pagsampa sa susunod na phase.
Muntik nang madisgrasya ang Beermen matapos malusaw ang 16 puntos na lamang, 79-63 may 8:49 minuto na lang sa fourth canto. Kumana ang Batang Pier ng 15-0 run upang tapyasin sa isa ang kanilang hinahabol, 78-79, nakakuha ng momentum kaya naagaw pa ang bandera, 86-82 mula sa three-point shot ni Sean Anthony nang may 1:51 minuto sa orasan.
Pero, umiral ang pagiging kampeon ng San Miguel, hindi nasira ang kanilang diskarte at nagawa pa rin nilang manalo. Pumapalag ang Batang Pier sa unang dalawang period, naghabol lang sila ng apat na puntos, 43-39 sa halftime.
Bahagyang kumalas ang Beermen sa third canto, nagtala ng 29-23 upang lumobo ang kanilang bentahe sa 10, 72-62 papasok ng fourth quarter.
Samantala, bawal nang kumurap ang Blackwater Elite at Rain or Shine Elasto Painters sa paghaharap nila ngayong alas-7 ng gabi sa do-or-die game ng kanilang best-of-three quarterfinals sa nasabing lugar. Nasagad sa Game 3 ang laban nang manalo ang Elite noong Martes ng gabi sa Elasto Painters, 100-96 at inilista ang 1-1 serye. Kinapitan ng Blackwater ang kanilang import na si Greg Smith na nagtala ng 31 puntos upang akbayan sa panalo ang Elite at lumakas ang tsansa na makapasok sa susunod na phase.
Malaking ambag din si Bobby Ray Parks, Jr. sa panalo ng Blackwater nang irehistro nito ang 28 points, 7 rebounds at tigalawang assists at steals. “The players played well. They refused to lose tonight and didn’t want to go on vacation. That’s the commitment we all have to make it to the next phase,” saad ni Blackwater coach Aris Dimaunahan.
Bukod kina Smith at Parks, huhugot din ng lakas si Dimaunahan kina locals Mac Belo at Mike DiGregorio na tumipa ng tig-14 at 13 markers ayon sa pagkakasunod sa kanilang panalo. Muling ibababangga ng Elasto painters sina rookie Javee Mocon, Beau Belga, Rey Nambatac at Gabe Norwood. (ATD)





Comments