3 NOYPI SA WORLD 10-BALL, GUMUGULONG SA ROUND 16
- Eddie M. Paez, Jr.
- Jul 25, 2019
- 1 min read

TATLONG kinatawan ng lahing kayumanggi ang patuloy na nakikisosyo sa trangko upang lalong mapalapit sa 16-kataong knockout round sa ginaganap na 2019 Predator World 10-Ball Championship sa palaruan ng Rio All-Suites sa Las Vegas, Nevada.
Pinabagsak nina Johann Chua, Alex Pagulayan at Jeffrey Ignacio ang kani-kanyang karibal para mapanatiling matikas ang paglalakbay sa kompetisyong magkakaloob ng $100,000 sa mga mapapabilang sa winners’ circle at ng upuan sa kasaysayan ng 10-Ball.
Pinahiya ni Chua, dalawang beses na kampeon ng All Japan Open, ang pinakamalupit na manunumbok sa buong mundo sa kasalukuyan na si Joshua Filler ng Germany, 8-1 para iposte ang isa sa pinakamalaking upset sa sagupaan. Nauna rito, naisahan ni Chua ang kababayang si Raymond Faraon, 8-5.
Sa kabilang dako, nakasingit si Pagulayan (una nang nagwagi kay Great Britain gem Darren Appleton , 8-4) kay Taiwanese pride Ko Pin-yi, 8-6; samantalang si Estonian gem Denis Grabe naman ang naging pangalawang biktima ni Ignacio, 8-5.
Si Ignacio ay humakbang sa sitwasyong ito matapos na masingitan si Oscar Dominguez ng U.S.A sa gitgitang duwelo, 8-7.
Bakbakang Chua - Cheng Yu-hsuan (Taiwan); Pagulayan - Ko Ping Chung (Taiwan) at Ignacio - Masato Yoshioka (Japan) ang masasaksihan sa susunod na yugto ng paligsahang namili lang ng 64 sa pinakamakinang na cue artists sa buong mundo.
Matapos ang pagkatalo sa kapwa Pinoy na si Chua, nakaungos si Faraon kay Fan Yang ng China, 8-7, sa loser’s bracket para manatiling buhay ang kanyang kampanya na makapasok sa knockout round.





Comments