Sona ni P-Digong, 'di perpek!
MATAGUMPAY na nairaos ang ikaapat na SONA o State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, kahapon. Kumpara sa mga nakaraang SONA, mas focus si P-Digong sa ilang maiinit na mga isyu ngayon.
Marami ang natuwa sa mga naging pahayag ni PRRD ngunit, hindi rin maiwan ang ilang batikos. Marahil, wala talagang perpektong SONA. Palaging may kulang o sobra depende sa uri o antas ng panlasa ng mga tagapakinig.
Higit sa mensahe o rhetoric, mas importante ang nais ipahayag ng pangulo hindi lamang ngayong taon kundi sa mga natitira pang tatlong taon ng kanyang termino.
Siya ang nahalal na pangulo ng bansa, anuman ang kulay ng politika natin, dapat natin igalang at sundin ang mandato na ibinigay sa kanya ng sambayanan. Natural lang na maging kritiko kung kinakailangan ngunit, dapat hindi ito maging balakid sa anumang plano ng pangulo para sa ikabubuti ng higit na nakararami nating kababayan.
Kaya may halalan, ibinigay sa taumbayan ang karapatang pumili ng lider na responsable sa ating kinabukasan. Kung may reklamo o batikos tayo sa ilan niyang polisiya, parte ito ng demokrasya. Ngunit, kung ang kritisismo mismo ay ang tungkol sa kanyang panunungkulan bilang pangulo ay ibang usapan na ‘yun.
Maghintay ng sapat na panahon upang sa susunod na halalan ay magkaroon na ng pagkakataong ipresinta ang plataporma ng inyong napiling kandidato sa pagka-pangulo at hayaan nating ang taumbayan ang humusga.
Pero sa ngayon, igalang at irespeto natin ang mandato na ibinigay ng mamamayan kay Pangulong Rodrigo Duterte.






Comments