top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Public at private schools, dapat may learning center para sa mga special children

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 23, 2019
  • 2 min read

WALANG bata ang dapat mapagkaitan ng karapatan ng de-kalidad na edukasyon. Ito ay dapat naaayon sa kanyang abilidad at oportuni­dad na mapagtibay ang kanyang mga kakaya­han upang maabot ang pinakamataas na kapa­sidad para sa sarili at maging sa kanyang kapwa.

Hangad nating maipalaganap ang katoto­hanang ito hindi lamang sa isang lugar kundi sa buong bansa.

Alang-alang sa kapakanan ng mga bata at kabataang may partikular na pangangailangang pisikal, emosyunal o pangkaisipan, bilang mam­babatas, marami pa talagang kailangang gawin upang lubos na matutukan ang pangangaila­ngan ng special education sa bansa.

Ayon sa datos mula sa Department of Edu­cation (DepEd), tinatayang 303,109 ang bilang ng mga batang Pilipino na may special education needs noong School Year 2016-2017.

Isang dapat gawin ay magtayo ng learning resource center sa bawat dibisyon ng mga pam­publikong paaralan upang maipalaganap ang inclusive education.

‘Yan ang pagtugon sa iba’t ibang panganga­ilangan ng mga mag-aaral base sa kultura, kinalakihang komunidad at kaalaman ng batang may special needs.

Kasama rito ang mga angkop na pagbabago sa nilalaman, estilo at istratehiya sa pagtuturo upang makasabay sa pagkatuto ang bawat estud­yanteng may special needs.

Sa pamamagitan ng ganitong set-up, epek­tibong mapangangalagaan at matututukan ang mga pangangailangan ng mga special children at maiiwasan ang anumang diskriminasyon mula sa lipunan.

Isa ang Valenzuela Special Education Center sa mga naglalaan ng ganitong serbisyo para sa mga batang may special needs mula occupa­tional, physical at speech therapy sessions, early intervention care at job transition skills program.

Ngayong ika-18 Kongreso, inihain natin ang panukalang-batas na Senate Bill No. 171 o In­clusive Education for Children and Youth with Special Needs Act.

Layunin nitong bigyang-prayoridad ng gob­yerno ang pagpapaganda ng mga kasaluku­yang imprastruktura ng mga national public schools upang matugunan ang serbisyong ka­kailanganin ng mga estudyante.

Posible ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga Inclusive Education Learning Resource Center sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa na magsisilbing tahanan ng kaalaman at abilidad ng mga special children.

Nakasaad sa panukala na ang bawat center ay magkakaroon ng angkop na pasilidad, guro at espesyalista ng special education na maha­laga upang maibigay ang proteksiyon, kalinga at edukasyon sa mga estudyanteng may espes­yal na pangangailangan.

Napakamakabuluhan nito dahil sa regular na pribado o pampublikong paaralan, hindi na­ibibigay ang buong pangangalaga, akomo­dasyon, atensiyon at gabay sa mga batang ito para sa pagsusulong ng kanilang kaunlarang pampisikal, pangkaalaman, pangsikolohikal at pangkomunikasyon.

Dahil iniulat ng DepEd na noong S.Y. 2016-2017, nasa 303,000 bilang ng mga estudyante na may special needs ang naka-enroll sa pam­publikong elementary at high school, maaaring hindi nakapagbibigay ng sapat na serbisyo para sa kanila.

Hindi maaaring magtagal ang ganitong sitwasyon sa mga eskuwelahan at mag-aaral.

Anuman ang hadlang sa kanilang pagkatuto ay ating solusyunan sa pagtutulungan ng pa­ma­halaan, paaralan at buong komunidad.

Kaya naman, sana ay maisabatas na ito sa lalong madaling panahon!

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page