PARAS, BUMIDA SA UP, KAMPEON SA BLIA CUP


SA pamumuno ni Kobe Paras, inangkin ng University of the Philippines ang 2019 Buddha’s Light International Association (BLIA) Cup championship matapos iposte ang 97-93 panalo kontra Chien Hsin University of Science and Technology sa finals noong Linggo sa Kaohsiung, Taiwan.
Halos pasiklabin ni Paras ang scoreboard sa itinala nitong 37 puntos, 15 dito ang isinalansan niya sa fourth period upang tulungang umagwat ng malaki ang Fighting Maroons.
Mula sa huling pagkakatabla ng iskor sa 83-all, 3:30 na lamang ang natitirang oras sa laban nang biglang rumatsada ang UP at naglatag ng 11-0 blast mula sa pagbasag ni Bright Akhuetie sa deadlock sa pamamagitan ng dalawang sunod na baskets na sinundan ng triple ni Paras.
Dinagdagan pa ito ng isang basket mula kay Jun Manzo bago tinuldukan ni Paras ang nasabing run ng isang dunk para sa 94-83 bentahe.
Hindi agad sumuko ang home team na gumanti ng walong sunod na puntos upang tapyasin ang lamang sa tatlo, may natitira pang 37.8 na segundo.
Pero, hindi rin nagpatinag ang Maroons at hinigpitan ang kanilang depensa at sinelyuhan ang panalo ng free throws mula kina Paras at Jaybie Mantilla.
Ang Fighting Maroons ang ikalawang Philippine team na nagwagi sa BLIA Cup kasunod ng De La Salle Green Archers sa pamamagitan din ng sweep noong 2017. (VA)





Comments