WONG AT TAN, PETMALU ULI SA HK INT’L OPEN BOWLING

MATAGUMPAY na nakahablot ng mga upuan sa podium sina Merwin Tan at Lara Posadas-Wong sa men’s masters at women’s masters ayon sa pagkakasunud-sunod para madagdagan ang karangalan ng Pilipinas sa 2019 Hong Kong International Open Bowling Championship na nagtapos sa SCAA Bowling Center ng Hong Kong.
Pinatunayan ni Merwin Tan, hinirang na Hong Kong International Youth Masters kingpin, na handa na siya sa bakbakan ng kanyang mga “kuya” matapos itong pumangatlo sa men’s masters sa pamamagitan ng pagkartada ng 194 pinfalls sa huling yugto ng championship round na pinangunahan ng mga Malaysian gem na sina Rafiq Ismail at Ahmad Muaz. Noong isang buwan, namayagpag ang youth standout sa men’s masters event ng Philippine Bowling Federation International Open.
Nauna rito, bumandera ang binatilyong Pinoy sa unang yugto ng finals at pumangatlo sa Stage 2 Finals kaya nakapasok ito sa malupit na anim na kataong stepladder championship round.
Dahil sa Youth Masters diadem at sa 3rd place sa Masters Open sa Hong Kong, gayundin ang trono ng Philippine Bowling Federation (PBF) Masters, nagpapatuloy ang kinang ng taon ni Tan. Matatandaang kamakailan, ang Pinoy pintopplers din ang nakakuha ng Asian Youth Bowling Championship singles gold at ng Youth Masters crown sa Singapore International Open noong Hunyo.
Sa kabilang dako, umiskor si Posadas-Wong ng 199 pinfalls sa unang bahagi ng stepladder finals para makasibad mula sa pang-anim na baitang papunta sa pangalawang bahagi ng labanan para sa podium. Dito, nakapagpatumba siya ng 221 bolilyo, kulang ng pitong pinfalls para sa isang bridesmaid finish, pero naging sapat na ito para sa pangatlong posisyon sa pangunahing event para sa mga kababaihan.





Comments