Oldest welterweight champ sa edad na 40… PACQUIAO, TULOY ANG LABAN!

MULING nagbunyi kahapon ang mga Pilipino sa pagkapanalo ng 40-year-old boxer na si Manny Pacquiao kontra sa 30-anyos na si Keith Thurman sa ginanap na laban nila sa MGM Grand Hotel sa Las Vegas, Nevada, USA.
Kahit pa may ilang nanghusga kay Pacquiao na baka matalo ito sa laban nila ni Thurman dahil sa malaking agwat ng edad nila, pinatunayan ni Manny na kering-keri pa rin niyang manalo kaya siya ngayon ang tinaguriang “Oldest Welterweight Champion.”
At hindi lang naman ang mga ordinaryong Pinoy ang muling pinabilib ni Pacman kundi maging ang mga local celebrities natin na buong-ningning na binati ang Pambansang Kamao sa kani-kanilang social media account.
Sabi ni Ormoc Mayor Richard Gomez sa caption ng kanyang Instagram post ng video ni Manny pagkatapos ng laban, “Congratulations to the legendary Manny Pacquiao! The best Filipino fighter the Philippines ever had. Maraming salamat sa tagumpay!”
After ng video, makikita ang malakas na pagtawa ni Goma na tuwang-tuwa kaya naaliw din sa kanya ang mga IG followers niya.
Bumati rin sina Zsa Zsa Padilla, Joey de Leon, Karla Estrada, John Prats, Dra. Vicki Belo, Gretchen Ho, Arron Villaflor, Mark Bautista, Kristoffer Martin, Gabby Eigenmann at Rodjun Cruz sa kani-kanilang socmed account sa pagkapanalo ni Sen. Manny.
Pagkatapos ng laban nila ni Thurman, tinanong si Pacman kung ito na ba ang huli niyang boxing match, pero ayon sa Pambansang Kamao, next year ay muli siyang sasalang sa boxing ring. Hindi pa lang niya masabi sa ngayon kung sino ang susunod niyang makakalaban, pagbalik na lang daw niya sa ‘Pinas.
So, bigo na naman ang mga humihiling na tumigil na si Sen. Manny sa boxing para matutukan ang kanyang pagiging senador.
Enjoy pa siya, bakit ba? Walang basagan ng trip. Chos!





Comments