top of page

Alamin: Tamang paggamit ng glucometer

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 22, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Totoo bang accurate ang mga glucometer na ginagamit sa pag-check ng blood sugar sa bahay kasi nag-check ako sa bahay bago pumunta ng laboratory, 110 lang sa glucometer ko, pero sa laboratory FBS ko ay 138. Alin ba ang tama, bakit ganu’n? — Martha

Sagot Ang mga glucometer ay regulated ng FDA dahil dapat tama ang resulta na lalabas dito kasi ginagamit ng mga pasyente ang reading para mapangalagaan nila ang kanilang diabetes.

Sa ilalim ng regulasyon para sa mga glucometer, dapat hindi hihigit sa 15% ang pagkakaiba ng reading ng glucometer sa laboratoryo.

Halimbawa, ibinigay ko: 110 + 15% = 125. So, mukhang hindi accurate ‘yung glucometer dahil 138 ang result sa laboratory, pero minsan, iba talaga ang resulta sa laboratoryo dahil nag-iiba ang level ng asukal sa dugo sa bawat minuto.

Mali ba talaga ‘yung glucometer at kailangan nang palitan o may mali rin sa pag-check ng blood sugar? Maraming posibleng dahilan para maging mali ang reading ng glucometer.

Expired na ba ang test strips? Tingnan ang expiration date sa bote, gayundin mayroong mga test strip na kapag nabuksan na ang lalagyan ng strips, kailangang maubos ang laman nito sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan lamang kahit sa isang taon pa ang expiration.

Basahin ang nakasulat sa bote o box ng strips para makasigurado kasi bawat bukas ng lalagyan ay nae-expose ang strips sa hangin kaya nakababawas ito sa pagiging accurate ng resulta kahit hindi pa expired ang test strips.

May code ba ang test strips? Dapat magtugma ang code sa bote ng strips at ‘yung nasa glucometer. May mga bagong glucometer ngayon na hindi kailangang i-code.

Tandaan: • Huwag hawakan ang dulo ng strip na isinasaksak sa makina. Pagkakuha ng strip sa boteng lalagyan nito ay isara agad. • Huwag ilipat ang test strips sa ibang lalagyan o alisin sa orihinal na bote nito. • Huwag iwanan ang test strips sa mainit na lugar. • Bawal itong ma-expose sa direct sunlight kaya itim ang plastic na bote ng test strips. • Iwasang mabasa ang test strips. • Dapat husto ang dugo na ilalagay sa test strip. Minsan, kaunti lang ang dugo na nailalagay kaya hindi tugma ang reading ng glucometer. • Siguraduhing tama ang paglagay ng dugo sa strip. May test strips na sa ibabaw dapat idantay ang dugo at ang iba naman ay sa gilid. • Alagaan ang glucometer, huwag itong itago sa mainit na lugar. • Maghugas ng mga kamay bago mag-prick ng daliri para sa test. Kung gagamit ng alcohol swab o tubig, siguraduhing tuyo ang daliri bago ito tusukin. Gayunman, kung may pag-aalinlangan sa resulta ng glucometer, puwedeng gamitin ang control solution na kadalasang kasama sa bote ng strips o glucometer. Ang control solution ang ipapatak sa test strip imbes na dugo para makita kung gumagana nang tama ang glucometer. May nagsasabing huwag gamitin ang unang patak ng dugo at pangalawang patak ng dugo na lalabas ang gamitin sa glucometer.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page