Tumalon sa bangin sa Siargao… MISTER NI YENG, NAWALAN NG ALAALA
- BULGAR

- Jul 21, 2019
- 2 min read
Beth Gelena / BULGARY FILES

HINDI sukat-akalain ni Yeng Constantino na tatamaan ng temporary memory loss ang mister niyang si Yan Asuncion.
Nasa Siargao ang mag-asawa para magbakasyon. Sa vlog entry ng singer, ibinahagi niya ang nangyari kay Yan. Nag-cliff jumping daw ito kasama ang kanilang mga kaibigan.
Sambit ng singer, “After niyang tumalon, naging nakakatakot at madilim na ‘yung naging experience namin sa Siargao. Nu’ng umpisa, tumatawa pa siya, eh. Tapos, nagkuwento pa siya kung ano’ng feeling niya sa pagtalon.”
“Nagbibiro pa nga siya. ‘Siguro, ito ‘yung feeling na masuntok ni Manny Pacquiao. Sobrang sakit, Love,’” dugtong na kuwento ni Yeng.
‘Yun na raw pala ang umpisa na mawalan ng memorya ang asawa. Hindi na raw maalala ni Yan kung nasaan sila at kung paano nakarating sa Siargao.
Dito na raw nabahala ang singer. Kinabahan na siya kaya agad nilang dinala sa ospital si Yan.
Pero may karanasang hindi raw niya malilimutan nang dalhin ang asawa sa ospital sa Del Carmen, Siargao. Marami raw kulang na gamit. Higit sa lahat, may nakasagutan pa raw siyang doktor, na pinangalanan niya sa kanyang YouTube Channel.
Matapos daw malapatan ng first aid at malagyan ng brace neck ay sinabihan silang ilipat sa ospital na mas may kumpletong gamit ang asawa. Inilipat daw sa Dapa Siargao Hospital si Yan, pero tumagal ang kanilang paghihintay dahil walang X-ray operator kaya pumalya ang unang pag-X-ray sa asawa. Ilang medical staff mula sa General Luna Siargao Hospital ang dumating upang tulungan sila.
Nabanggit din ni Yeng na nangunguyakoy ang doktora habang binabasa ang manual ng infrascanner na nagpapakita ng kawalan ng sense of urgency at malasakit sa kanilang pasyente.
Isang medical staff din daw na ayaw ibigay ang pangalan ang nagsabing marami talagang namamatay sa nasabing ospital dahil sa negligence.
Ayon kay Yeng, sana ay maaksiyunan ang problemang ito ng lokal na pamahalaan.
Pinasalamatan naman ni Yeng ang mga tumulong sa kanilang mag-asawa at sinabing okay na ang kalagayan ni Yan ngayon.





Comments