TAN, KAMPEON SA HK YOUTH OPEN
- Eddie M. Paez, Jr.
- Jul 21, 2019
- 1 min read

MULING naramdaman ang husay ni Asian Youth Bowling Championship kingpin Merwin Tan ng Pilipinas matapos nitong ilampaso ang oposisyon at makopo ang korona sa Youth Open bracket at pagkatapos ay pinangunahan ang Stage 1 sa Men’s Open Masters ng ginaganap na 2019 Hong Kong International Open Bowling Championship sa SCAA Bowling Centre sa Hong Kong.
Nagpatumba si Tan ng kabuuang 1,811 bolilyo pagkatapos ng walong laro para sa 226.38 na average. Pinagsama niya ang mga iskor na 169, 238, 257, 247, 221, 227, 225 at isa pang 225 pinfalls na produksiyon para sa bandera pagkatapos nang harurot sa grupo ng mga binatilyo.
Malayong segunda si Indian ace R. Kishan (1,702 pinfalls; 212.75 ave) habang si Faisal Saleem naman ng Kuwait ang humablot ng huling upuan sa podium dahil sa napatumba niyang 1,696 (212.00 ave) na mga bolilyo.
Hindi rin nagpaiwan ang binatilyong si Tan, may-ari ng isang ginto (singles) at isang tansong medalya (all-events) mula sa nakaraang Asian Youth Tenpin Bowling Championship sa Malaysia, dahil siya rin ang nanguna sa bakbakan sa Men’s Stage 1. Ang kartada niyang 1,936 pinfalls ay sapat na para hatakin sa stage 2 ang 17 iba pang pintopplers. Kasama rin sa talaang ito ng mga bowler na may tsansa pang makuha ang Masters diadem ay ang kapwa Pinoy na si Enzo Hernandez (1,731 pinfalls; no. 5) na nagposte ng mga linyang 181, 242, 248, 235, 207, 188, 217 at 212 bolilyong bumagsak.





Comments